PANGUNGUNAHAN nina Paul Lee at Beau Belga ng Rain or Shine ang lineup ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA Asia Cup na gagawin sa Wuhan, Tsina, mula Hulyo 11 hanggang 19.
Sinabi ni Gilas coach Chot Reyes na payag sina Lee at Belga na lumaro para sa national team pagkatapos ng finals ng PBA Governors Cup kung saan kasama sila sa lineup ng Rain or Shine.
Natalo ang Elasto Painters, 104-101, sa Game 1 ng finals kontra San Mig Super Coffee noong isang gabi.
Kasama rin sa lineup ng Gilas sa Wuhan sina Ranidel De Ocampo, LA Tenorio, Gary David, Japeth Aguilar, Junmar Fajardo, Jared Dilinger, Jay Washington at ang mga cadets na sina Kevin Alas at Garvo Lanete.
Habang hindi pa inaayos ang mga papeles ni Andray Blatche ay si Marcus Douthit muna ang magiging naturalized player ng Gilas sa Wuhan.
Maiiwan muna sa Pilipinas sina Jason Castro, Larry Fonacier, Jimmy Alapag, Marc Pingris, Gabe Norwood at Jeff Chan para makapagpahinga sila bago sila makabalik sa ensayo ng RP team.
“We want to keep other guys off the other’s radars,” wika ni Reyes.
Ang FIBA Asia Cup ay bahagi ng paghahanda ng Gilas para sa FIBA World Cup sa Espanya at ang Asian Games sa Incheon, Korea. (James Ty III)