HINILING na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na suspendihin sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Revilla bilang mga senador.
Ang dalawa ay kapwa nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng kanilang pagkaka-sangkot sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Bukod kina Revilla at Estrada, ipinasususpinde rin ang chief of staff ni Revilla na si Atty. Richard Cambe, may posisyon na Director III sa Senado.
Hiniling ng Ombudsman sa anti-graft court na suspendihin ang mga akusado sa kanilang panunungkulan sa tanggapan ng pamahalaan habang nililitis pa ang kaso, dahil batay sa Section 5 ng Republic Act 7080 o Plunder Law, iginiit ng Office of the Special Prosecutor sa pamumuno ni Deputy Special Prosecutor John Turalba, ang sino mang public officer na nahaharap sa kasong kriminal ay dapat suspendihin na.
Nakatakda ang pagdinig sa mosyon ng Ombudsman laban kay Estrada sa Hulyo 4 sa Fifth Division, habang sa Hulyo 3 kay Revilla sa First Division.
Sina Revilla at Estrada ay kapwa tumangging magpasok ng plea sa Sandiganbayan nang basahan ng sakdal kaya ang korte na mismo ang naghain ng “not guilty plea” para sa kanilang dalawa, habang si Cambe ay personal na nagpasok ng “not guilty plea.”
Sina Revilla, Estrada at Cambe ay pawang nakakulong na sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.
Probe vs VIP treatment sa Pork Senators (Bisita inuumaga)
SUPORTADO ng Palasyo ang pagpapaimbestiga ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Alan Purisima sa pagbibigay ng VIP treatment ng PNP Custodial Center sa mga detenidong sina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, maging ang Malacañang ay nagulat sa ulat na umabot hanggang madaling araw ang mga bisita ng mga detenidong senador na paglabag sa itinakdang oras ng dalaw sa mga bilangguan.
“General (Alan) Purisima informed Secretary Mar Roxas that he has tasked… He has already ordered an investigation and he has required the PNP custodial center to explain. Certainly, we were surprised that the visitation rules were not followed because, obviously, the… Si Superintendent RT Sindac informed the public that there are visitation rules so… Kaya bakit lumampas sila sa visitation rules? ‘Yon ang gusto nating malaman at pinagpapaliwanag ngayon ang mga nasa PNP custodial center kung ano ang nangyari,” ani Lacierda.
Inutusan na rin aniya ni Interior Secretary Mar Roxas ang PNP Custodial Center na gayahin ang mga patakaran ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Tiniyak ni Lacierda na ipababatid agad sa publiko ang resulta ng imbestigasyon ng PNP sa isyu.
(ROSE NOVENARIO)
Sandiganbayan justice ipinasisibak
IPINASISIBAK sa Korte Suprema si Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong dahil sa sinasabing pagkakaroon ng kaugnayan sa binansagang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Batay sa rekomendasyon ni retired Supreme Court Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez, kabilang sa mabigat na rason ng pagpapatanggal sa mahistrado ng anti-graft court ay ang case fixing na sinasabing pabor kay Napoles.
Ayon kay Gutierrez, napakabigat na dahilan para masibak ang isang opisyal ng korte kung ito ay dahil sa gross misconduct, dishonesty at impropriety.
Magugunitang si Ong, chairman ng Sandiganbayan Fourth Division, ang nagpawalang sala kay Napoles noong 2010 kaugnay sa kaso ng 500 Kevlar helmets ng Philippine Marines.