KASAWIAN SA KANYANG NOBYONG SI RODEL ANG NAGING RESULTA NG UNANG PAG-IBIG NI TITSER LINA
Halos walang nakaaalam sa mga dating estudyante ni Titser Lina sa kanyang pribadong buhay na may kaugnayan sa buhay-pag-ibig. Pati nga sa mga kapwa guro ay iilan lamang ang nakabatid na minsan din siyang umibig at nagmahal. Unang taon pa lamang niya noon sa pagtuturo nang magkaroon sila ng relasyon ni Rodel. Janitor si Rodel sa kanilang eskwelahan. Mabait pero nuknukang mahiyain. Nagbunga tuloy iyon ng kawalan ng tiwala sa sarili. Naapektohan nang malaki ang maganda na sanang samahan nila ni Titser Lina.
Masyadong hamak ang pagtingin ni Rodel sa sarili dahil hikahos sa buhay at wala pang natapos sa pag-aaral kundi high school. Ipinapalagay pang napakaalangan sa nobyang mayroon umanong mataas na pinag-aralan.
Winalang-halaga ni Titser Lina ang lahat ng iyon. Sa ganang kanya, ang itinuturing ng nobyo niya na mga kapintasan sa sarili nito ay nangyayari sa maraming indibidwal. Kitang-kita naman kasi niyang napagkakaitan ng magagandang oportunidad sa lipunan ang ‘di-mabilang na mamamayan sa buong kapuluan ng bansa.
Pinalad na makapagtrabaho si Rodel sa isang pabrika sa Metro Manila na nagsasadelata ng sardinas. Tiniis ni Titser Lina ang sakit ng paglayo ng nobyo upang mabig-yan ng pagkakataon na umasenso. Pero mula noon ay dumalang nang dumalang ang pag-uwi-uwi sa Guiuan. Hanggang tuluyan nang napatid ang kanilang pagkikita at komunikasyon nang lumaon. Nabalitaan na lamang niya na nagkaasawa at nagkapamilya na sa Maynila.
Maraming gabing itinangis ni Titser Lina ang malalim na sugat sa puso na nilik-ha ng nobyo. Naging malulungkutin siya. Unti-unting namayat. Nawalan ng halaga ang lahat sa kanya. Kundi sa malaking takot niya sa Diyos ay baka hinangad na niyang tapusin ang sariling buhay.
Walang sugat ang ‘di-kayang paghilumin ng panahon….
Malaking halaga ang naipon ni Titser Lina mula sa kanyang buwanang sweldo sa pagtuturo. Gagamitin sana niya iyon sa pagpapakasal nila ni Rodel at sa pagsisi-mula nila sa pagharap sa buhay-may-asawa. (Itutuloy)
ni Rey Atalia