KINOMPIRMA ng team manager ng Air21 na si Lito Alvarez na may balak ang Express na pakawalan ang dalawa nilang pambatong sina Joseph Yeo at Sean Anthony bago nagsimula ang usapan ng koponan sa North Luzon Expressway tungkol sa pagbenta ng prangkisa nito.
Ayon sa ulat ng www.spin.ph, nakatakdang ilipat si Yeo sa Barangay Ginebra San Miguel kapalit ni Josh Urbiztondo at si Anthony naman ay itatapon sa Meralco kapalit ni John Wilson.
Ngunit dahil sa usapan tungkol sa pagbenta ng prangkisa ng Air21 sa NLEX ay itinigil muna ang nasabing mga trades.
“Lock, stock and barrel na kasi kami sa (sale ng PBA) franchise. Ibig sabihin nun, pag may ibinebenta nang team, hindi na puwedeng mag-trade ng players ‘yun (dahil) haharangin na siya ng PBA,” wika ni Alvarez.
Inaasahang aayusin na ang pagkuha ng NLEX sa mga manlalaro ng Air21 anumang araw ngayong linggo.
Ngunit malaki ang posibilidad na hindi si Franz Pumaren ang ma-giging coach ng Road Warriors dahil mga coaches na hawak ng MVP Group ang inaasahang makakakuha ng trabaho tulad nina Jong Uichico at Ronnie Magsanoc.
Ang kasalukuyang coach ng NLEX na si Boyet Fernandez ay magiging abala sa paghawak ng San Beda College sa NCAA.
(James Ty III)