MULI na namang minasaker ng San Antonio Spurs ang defending champion Miami Heat, 107-86 para mapalapit sa titulo ng National Basketball Association.
Dinomina ng Spurs ang laro mula sa simula sa pangunguna ng 20 puntos at 14 rebounds ni Kawhi Leonard at 19 mula kay Tony Parker upang makuha ang 3-1 na kalamangan pagkatapos ng Game 4 kahapon sa American Airlines Arena sa Miami, Florida.
Nagpasabog ang Spurs ng 13-2 na atake sa unang quarter pa lang ng laro at mula sa 26-17 na trangko, lalong ibinaon nila ang Heat sa 55-33 bago ang halftime sa matinding dakdak ni Leonard.
Sandaling tinapyas ng Heat ang kalamangan sa 61-48 sa ikatlong quarter dulot ng walong puntos ni LeBron James ngunit sumagot ang Spurs sa pamamagitan ng pitong sunod na puntos upang maibalik ang kalamangan sa 20.
Mula noon ay hindi na pinakawalan ng Spurs ang kanilang malaking kalamangan dahil sa mahusay na paggalaw ng opensa na nagdulot ng maraming mga tira mula sa labas at hindi nakaporma uli ang Heat tulad ng nangyari sa Game 1 at 3 ng serye.
Tumulong si Patty Mills para sa Spurs sa kanyang 14 puntos samantalang nagdagdag si Tim Duncan ng 10 puntos at 11 rebounds.
Para sa Heat, nanguna si James sa kanyang 28 puntos ngunit nagsanib lang ng 22 puntos sina Chris Bosh at Dwyane Wade.
Babalik ang finals sa AT&T Center sa San Antonio, Texas, para sa Game 5 sa Lunes ng umaga, oras sa Pilipinas, kung saan sisikapin ang Spurs na tapusin na ang serye at makamit ang una nilang titulo sa NBA mula pa noong 2007.
Sa kasaysayan ng NBA Finals ay wala pang koponang nagbura ng 3-1 na kalamangan.
(James Ty III)