PINITAS ni whiz kid Stephen Rome Pangilinan ang titulo sa 2014 Asian Youth Selection Boys Division – Under 12 matapos kaldagin si Lee Roi Palma sa sixth at final round na ginanap sa Philippine Sports Commission canteen sa Rizal Memorial sa Vito Cruz kamakalawa.
Tumipa ng 5.5 points si top seed Pangilinan (elo 2093) upang makuha ang kampeonato sa event na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines sa pangunguna ni NCFP executive director GM Jayson Gonzales.
“Maganda po ang laro ko ngayon kaya nag-champion po ulit ako,” saad ni Pangilinan na nagkampeon sa US noong siya ay anim na taong gulang pa lang.
Nakuha ni Emanuel Van Paler ang segundo puwesto habang kinana ni Sem Canasta ang third place matapos ilista ang 4.5 at 4.0 puntos ayon sa pagkakasunod.
Nakipaghatian ng puntos si Paler kay Mark Daniel Shannon Aguimbag habang dinaig ni Canasta si Cedrick Sevillano.
Tinabla ni National Master Giovani Mejia (elo 2171) ang laro nito kay Jonathan Jota upang makuha ang kampeonato sa Boys U-18.
Nilista ni No.2 seed Mejia ng limang puntos mula sa apat na panalo at dalawang draws sa event na ipinatupad ang six rounds swiss system.
Apat ang magkasalo sa second to fifth place na may parehong apat na puntos subalit matapos ang tie-break points nakuha nina Melwyn Kenneth Baltazar (elo 2124) at Paul Robert Evangelista (elo 2075) ang pangalawa at pangatlong puwesto.
Sa distaff side, winalis ni WFM Janelle Mae Frayna ang mga nakalaban upang mag-reyna sa Under-18.
Giniba ni Frayna (elo 2133) si WCM Mira Mirano sa last round upang ilista ang malinis na anim na puntos.
Pumangalawa si Karen Jean Enriquez tangan ang 4.5 puntos habang third place si Crissa Canada. (ARABELA PRINCESS DAWA)