SA ikatlong conference ay import ng Rain Or Shine si Arizona Reid at kahit paano ay mataas ang expectations ng Elasto Painters sa kanya.
Actually, ang kanilang expectation ay hindi bababa sa semifinals.
Bakit?
Kasi, sa unang dalawang pagkakataon na naglaro sa kanila si Reid ay umabot sila sa semis. Hindi nga lang sila nakalusot at nakadirecho sa championship round.
So, realistically, ang target nila ay isa na namang semifinals appearance. Kapag nakarating sila doon, saka na lang sila mangangarap na makaabot sa Finals.
“We cannot afford to be so ambitious,” ani coach Joseller “Yeng” Guiao.
Well, pinatutungkulan niya ang kanilang sitwasyon sa kasalukuyan.
Kasi nga’y tila nangangapa ang Elasto Painters. Masagwa ang kanilang naging umpisa at naghahabol sila.
Natalo ang Rain Or shine sa unang dalawang games nito bago nakapasok sa win column nang biguin nila ang Globalport. Muli ay bumagsak sila sa lupa nang maungusan sila ng Talk N Text 83-81 sa laro nila sa Binan, Laguna noong Miyerkoles.
Nakabawi sila noong Sabado nang talunin nila ang Barako Bull, l09-96.
Pero parang tsamba na lang iyon.
Magkaganoon man ay nagpapasalamat si Guiao dahil sa nakalusot sila sa Energy.
Kaya nga nasabi niyang hindi sila puwedeng maging ambisyoso. Okay na sa kanila ang mga panalo kahit na isa o dalawa o tatlong puntos lang. Basta’t manalo.
Sa ngayon ay target nila ang 50-50 at magagawa nila ito kapag nanalo sila sa Miyerkoles. Kapag na-achieve nila iyon at saka na nila sisikaping pumasok sa top four upang gumanda ang tsansang marating ang semis.
Ito naman talaga ang realistic target nila nang kuning muli si Reid, hindi ba?
Sabrina Pascua