Sunday , December 22 2024

MPD Special “Orbit” Unit buhay na naman! (Selective ba ang one-strike-policy ni DD?)

00 Bulabugin JSY

PUTOK na PUTOK sa lungsod ni President-Mayor-Daddy Erap Estrada ang isang bagong unit ng Manila Police District (MPD) na ang trabaho ay i-counter ang mga kolektong cops ng mga ilegalista.

Isang alias GUANTONG at SPO1 LJ ang nagpapakilalang Special ORBIT unit ng MPD, ang pasok na agad sa mga tabakuhan ng mga gambling lord sa Kamaynilaan.

Ang ‘pautot’ este paputok ni Bagman SPO1 LJ, siya ang naatasan ni MPD DD Gen. ROLANDO ASUNCION para i-monitor ang mga pulis na nangongolektong pero ang tunay na lakad pala ay para mahukay ang listahan ng tabakuhan at ma-IMBUDO sa kanila ang lahat ng intelihensiya ng 1602.

Sonabagan!!!

General Asuncion, hindi ka ba nagtataka na sa kabila ng mahigpit na utos mo na itigil ang 1602 sa Maynila ay marami pa rin butas ng ilegal na sugal ang patuloy na humahataw?

Napatunayan mo ‘yan nang ipa-raid mo ang isang butas ng lotteng/bookies ni gambling lord Boy Abang diyan sa Tondo 1 Sevilla cor. Concha streets na pulis pa ang nag-o-operate.

Isinusulat natin ang kolum na ito ay nakarating sa ating kaalaman na sinibak na ni DD Asuncion sina MPD PS1 commander Supt. Julius Anonuevo at MPD PS 10 (Pandacan) commander Supt. Rolando Opriasa.

Ganoon din sina Insp. Edward Samonte ng Smokey Mountain PCP at  isusunod ngayong araw si Pritil PCP chief Insp. Raffy Melencio.

‘Yan umano ay bilang pagpapakita ng tikas ng ONE STRIKE POLICY ni DD Asuncion.

Papalit umano kay Anonuevo si Supt. Virgilio Villoria habang si Opriasa ay papalitan ni Supt. Luis Francisco.

By the way, hindi mo ba sisibakin ang mga opisyal sa area of responsibility (AOR) mismo ng butas ng lotteng at bookies na ‘yan ni 1602 Simbulan?

Inaasahan natin na walang pipiliin ang inyong ONE STRIKE POLICY, Gen. Asuncion.

Mabuhay ka, DD Asuncion!

TUBOS-MINORS RAKET NG NAVOTAS CITY SOCIAL WELFARE DEVELOPMENT OFFICE

TUWING may nababalitaan akong ganitong sitwasyon o pangyayari ay lagi kong naaalala ang ‘kahenyohan’ ni dating Senador at ngayon ay Food Security and Agricultural Modernization czar Francis ‘Mr. Mega-Kornik’ Pangilinan dahil sa kanyang Juvenile Act.

Gaya na lang ng nangyayari ngayon sa Navotas City.

Mayroon kasing Ordinansa ang Sangguniang Bayan ng Navotas City (Pambayang Ordinansa Blg. 99-02) na “NAGTATAKDA NG CURFEW SA MGA KABATAAN NA WALA PANG LABING-WALONG (18) TAON GULANG.”

Sa unang paglabag, ang mahuhuli ay dadalhin sa tanggapan ng MSWDO. Ipatatawag ang magulang o tagapag-alaga, isasailalim sila sa panayam, kapwa pangangaralan at pagkatapos ay muling ibabalik ang bata sa kanyang immediate guardian.

Sa ikalawang paglabag, dadalhin sa MSWDO, pagmumultahin ang immediate guardian ng P300 at pagagampanin ng apat na oras na community work, kasama ang bata bilang parusa.

Sa ikatlong paglabag, muling pagmumultahin ng halagang P300 at apat na oras na community work ng immediate guardian at ng bata.

Sa ikaapat na paglabag at paulit-ulit na paglabag ay papatawan ng dobleng kaparusahan at kung hindi kayang magbayad ay pagtatrabahuan ng katumbas na oras.

Okey, resolbado tayo d’yan.

Pero bakit sa aktuwal ay wala umanong ginawa ang MSDO kundi manghuli nang manghuli ng mga kabataan pero doon ikinukulong sa regular na kulungan ng mga preso!?

Kapag tinubos naman ng magulang sa halagang P300 ay binibigyan ng hindi opisyal na resibo na ang nakalagay sa itaas ay “ORDER OF PAYMENT.”

Ang tanong: saan ba talaga napupunta ang P300 multa ng mga magulang?!

Sa kanilang bulsa o sa kaban ng Navotas!?

Pakisagot na nga po, Ms. Jennifer Serrano!

IMBESTIGASYON SA P10-B PORK BARREL SCAM NALABUSAW NA NANG TULUYAN

MATATAPOS ba ang imbestigasyon nang hindi mapaparusahan si Janet Lim Napoles, o ang mga mambabatas o sino mang opisyal ng gobyerno na sangkot sa P10-bilyon pork barrel scam?!

O tuluyan nang ‘masusunog’ ang buong KONGRESO (Senado at Mababang Kapulungan) dahil sa naganap na ‘LABUSAW’ sa hindi maintindihang sistema ng imbestigasyon na pinaggagagawa ni Justice Secretary Leila De Lima?

Ano po ang ‘sunog’ na sinasabi natin?

Nagsimula po ang ‘titis’ sa tila pelikulang ‘suspense thriller’ na imbestigasyon sa eskandalo ni Napoles ng DoJ sa pangunguna nga ni Madam Leila.

Para ngang ‘suspense thriller’ na paunti-unti ang paglalabas ng pangalan ng mga itinuturong sabit sa P10-bilyon pork barrel scam.

Noong una, ang statement lang ng mga whistleblower na sina Benhur Luy at Merlina Suñas ang source ng DoJ.

At batay na rin sa mga pahayag at dokumentong nakalap, sinampahan ng kaso ng DoJ ang mga tao/subject na sangkot sa pork barrel scam.

Top 3 rito ang mga senador na binansagang Tanda, Sexy at Pogi.

Alam natin na hanggang sa kasalukuyan ay nasa Ombudsman pa ang nasabing kaso para sa karagdagang imbestigasyon at pagtitimbang ng mga pahayag, dokumento at iba pang ebidensiya para maisampa ang kaso sa Sandiganbayan.

Buong bansa ay nag-aabang kung ano ang kahihinatnan ng imbestigasyon. Buong bansa ay naghahangad ng katarungan dahil ang nilustay na pork barrel ay malinaw na mula sa lukbutan ng mga mamamayang tapat na nagbabayad ng kanilang obligasyon sa pamahalaan.

Unti-unti nang tumitining at unti-unti nang natuturol kung sino ang utak ng pork barrel scam pero isang umaga ay nagising na lang tayong lahat na ‘TATLO’ pala ang listahan na inilabas ni Napoles.

Doon nabisto ng mamamayan na kaya pala bumagal ang pagsasampa ng kaso laban sa iba pang isinasangkot ng mga whistleblower ay unti-unti na palang kinikilala at pinaplano ng DoJ na gawing state witness si Napoles. (Mayroon bang swapping na magaganap/nagaganap?)

Pero mukhang nakatunog ang Napoles na hindi papayag ang Palasyo na maging state witness siya kaya hayun, naglabas ng sinumpaan at notaryadong listahan kay Madam Leila, mayroon ini-leak sa media na isa pang listahan, at listahan pa mula naman sa asawang si Jimmy Napoles na for Rehabilitation Czar Ping Lacson’s eyes only.

Kaya biglang nagkaroon ng lakas ng loob si Ping na sabihin na kapag pinakialaman umano ni Madam Leila ang listahan, ‘e meron din siyang ilalabas na listahan.

At dito na nga tunay na naganap ang ‘LABUSAW.’

Hanggang ngayon ay ‘labusaw’ pa rin ang sitwasyon.

Hindi tuloy natin maintindihan kung ano ba talaga ang naging papel ni Rehab czar Ping na Mistah ni Jimmy Napoles kung bakit hinayaan siya ng Palasyo na maglabas ng ‘iba pang listahan’ kaugnay ng mga sangkot umano sa P10-bilyon pork barrel scam.

Kamakalawa, opisyal na bumuyangyang sa publiko ang listahan na sinabing galing kay Napoles. Nakalista kung sinong mambabatas ang nakinabang at kung sino ang mga middle agent.

Sangkot na sa listahang ito ang mga mambabatas at opisyal ng gobyerno na pinaniniwalaang kaalyado ng administrasyong Aquino at mayroong ‘sumasalipawpaw’ na pangarap para sa eleksiyong 2016.

Ang tanong: sa kinakaharap na eleksiyon sa 2016, makamit kaya ng sambayanang Pinoy ang katarungan laban sa mga ‘MANDARAMBONG’ na nanggahasa sa KABANG YAMAN ng bansa?!

Umepekto kaya ang ‘OPERATION LABUSAW’ para tuluyang madiskaril ang katotohanan sa P10-bilyon pork barrel scam?!

Muli na naman bang napaikot at natsubibo ang mamamayan?!

Until then … I’ll keep my fingers crossed.

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *