KUNG si Air21 board governor Lito Alvarez ang tatanungin, hindi pa aalis sa PBA ang Express.
Nagbigay ng reaksyon si Alvarez tungkol sa umano’y pagbenta ng prangkisa ng Air21 sa North Luzon Expressway (NLEX) para sa susunod na PBA season.
Hindi pa kasi binabayaran ng NLEX ang P100 million franchise fee sa PBA at binigyan ito hanggang sa Hunyo 7 upang bayaran ito.
“Wala pa naman kaming nakakausap. Wala pang tumatawag sa akin regarding that,” wika ni Alvarez sa panayam ng www.spin.ph.
Idinagdag ni Alvarez na makikipag-usap siya sa mga opisyal ng NLEX sa susunod na board meeting ng PBA sa Mayo 29.
“Hindi ko pa talaga alam, siguro papakiramdaman ko pa sa board meeting. Magkikita-kita kami nun eh. Pero hindi ako siguro magugulat na kung may mag-aalok nga ng ganun,” ani Alvarez. “Eh sa ngayon kasi napapasarap pa kami sa PBA, kita mo naman galing pa kami sa isang semifinal appearance.”
Sa ngayon ay nahihirapan pa rin ang NLEX na magtayo ng malakas na koponan sa PBA dahil hindi ito pinayagang direktang iakyat ang mga manlalaro nila sa PBA D League tulad nina Kevin Alas, Jake Pascual, Ronald Pascual at Matt Ganuelas. (James Ty III)