Sunday , December 22 2024

Ang bastos at abusadong pulis Bulacan (Attn: PNP PRO-3 RD Gen. Edgardo Ladao)

00 Bulabugin JSY

ISANG opisyal ng PNP-Bulacan ang isinusuka ng mga kapwa niya pulis dahil daw sa kasibaan sa pitsaan at pagbabangketa ng mga huling drugs at vices.

Wala raw ginawa ang batang opisyal na binansagang ‘Buwakag’ sa kanilang estasyon, dahil kapag meron umanong huli ang pulis laging tanong niya kung umaareglo na ba ang huli lalo na kung ilegal na droga.

Sa reklamong ipinarating sa atin, may nirespondehan si ‘Buwakag’ kasama pa ang apat na pulis sa isang simpleng vehicular accident na nangyari sa Pandi, Bulacan.

Nagkasagian ang magkabilang panig at nabasag ang signal light. Kapwa nagkasundo ang magkabilang panig sa barangay hall na babayaran na lang ang nabasag na signal light.

Pero laking gulat ng dalawang driver nang biglang ipilit ni pulis ‘Buwakag’ na pinagbabayad siya ng P5,000 samantala nagkasundo na sa P1,500 ang kabayaran sa nabasag na signal light.

Nagkaroon ng pagtatalo at gumawa na ng hindi totoong istorya si pulis ‘Buwakag’ na nagkaroon daw ng sakitan dahil lumaban daw ang driver sa kanya.

Walang nagawa ang pobreng driver hanggang ikinulong pa siya ng limang (5) araw at kinasuhan ng reckless imprudence resulting to damage of property at resisting arrest.

Hinagpis ng driver, paano raw siya lalaban ‘e lima silang tulis ‘este’ pulis at naka-uniporme pa ng type B.

May sakay siyang mga bata at matanda kaya malabong mangyari na makipagtalo o makipagaway siya sa pulis.

Ang tunay na dahilan kaya pilit na pinababayaran ni pulis ‘Buwakag’ ng P5,000 ang nabasag na signal light dahil kaibigan pala niya ‘yung may-ari ng sasakyan na kanyang nasagi.

Nang may namagitan na isang barangay chairwoman sa pobreng driver ay pinagbabastos at pinagmumura pa sila ni pulis ‘Buwakag’ na kesyo wala raw chairman-chairman sa kanya at kahit daw magsumbong pa sila kay DILG Sec. Mar Roxas at PNP chief DG Allan Purisima ay hindi raw siya natatakot.

Hoy ‘Buwakag,’ taumbayan ang nagpapasweldo sa ‘yo! Wala kang karapatan na murahin, bastusin at i-harass ang ‘boss’ mo!

Sonabagan!!!

Kilala mo ba P/Insp. WILFREDO DIZON ang abusadong pulis na ‘yan!?

SILG Mar Roxas at PNP Chief Gen. Allan Purisima, ang ganitong klaseng pulis ang nakasisira sa hanay ng PNP.

DELAYED SA ICC-BIR SAGABAL SA BOC TAX COLLECTION

MARAMI na tayong naririnig na reklamo ukol sa pagkuha ng Import Clearance Certificate (ICC) sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Bureau of Customs – I CARE ang dating service provider nito. Noong panahon na iyon wala tayong naririnig na reklamong DELAYED sa mga importer.

Kung mayroon man ay manageable naman.

Pero ngayon, mula nang pinakialaman ng BIR, biglang bumagal ang accreditation at renewal ng mga importer. Isang dahilan ito na nakaaapekto sa BoC tax collections.

‘E paano ba naman, ‘yung mga nag-expired ang accreditation noong June-December 2012 at ‘yung mga nag-apply ng bago hanggang ngayon ay nakatengga pa rin.

Kaya huwag na tayong magtaka kung bakit desmayado ang mga negosyante na mag-import.

Alam kaya ni BIR Commissioner Kim Henares na ang daming nakatenggang applications sa BIR?

‘Yan ay kahit naka-COMPLY na sa sandamakmak na requirements ang applicant na importers.

Paano naman hindi tatagal ang proseso, bago ka mag-file ng iyong accreditation sa BIR main office ay daraan pa muna sa BIR RDO na nakasasakop sa iyong kompanya para sa santambak na rekisitos.

Siyempre, diyan pa lang sa BIR RDO bibilang na ng maraming araw bago makompleto ang requirements.

Customs Commissioner John “Sunny” Sevilla, Sir, mukhang may pangangailagan na ibalik na ulit sa BoC-I CARE ang accreditation ng mga importer.

ANO ANG ‘LIHIM NG GUADALUPE’ SA BIR ROOM 208?

FYI Customs Commissioner Sunny Sevilla and BIR Commissioner Kim Henares, sana po ay nagagawi kayo riyan sa Bureau of Internal Revenue main office ROOM 208.

Diyan po sa opisinang ‘yan ipino-processs lahat ng accreditation, renewal at application ng ICC.

Para nga raw pila ng sinehan ang madaratnan ninyo sa haba ng pila ng aplikante roon araw-araw.

Ang ipinagtataka po ng mga nagreklamo sa atin, bakit napakahaba ng pila sa opisinang ‘yan?

Kung mahaba ang pila at maraming oras ang namamatay, ano po ang ibig sabihin n’yan?

Ibig sabihin lang, mayroong posibilidad na may ‘RED TAPE’ ang tanggapan na ’yan?!

Again Madam KIM HENARES, bakit nga ba mahaba ang pila d’yan sa Room 208?! Anong “Lihim ng Guadalupe” ang mayroon diyan?!

Pakisagot na nga po!

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *