DAVAO DEL NORTE – Makaraan makompleto ang report sa talamak na insidente ng pamamaril sa Tagum, Davao del Norte, hinimok ng international human rights watchdog ang pamahalaan na imbestigahan ang sinasabing death squad sa bansa.
Sa impormasyon mula sa Human Rights Watch (HRW), mula Enero 2007 hanggang Marso 2013, aabot na sa 298 ang namatay na may kinalaman sa “Tagum Death Squad.”
Una nang lumabas sa report ng grupong “One Shot to the Head: Death Squad Killings in Tagum City, Philippines,” na may kinalaman si dating Tagum City Mayor Rey “Chiong” Uy sa nasabing death squad.
Tumutulong anila si Uy sa pag-organisa at pag-finance sa death squad na siyang itinuturo sa mga kaso ng pananambang sa lugar.
Nananawagan ang grupo kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na tutukan at maimbestigahan ang report mula sa pamilya ng mga biktima at sinasabing dating miyembro ng death squad. (HNT)