HABANG HINIHINTAY ANG PAGDATING NI CARMINA NAKIPAGKWENTOHAN AKO SA UTOL NIYANG SINA OBET AT ABIGAIL
Ipinagpatuloy naman ni Aling Azon ang paglilinis at pag-aalis ng etiketa sa mga botelyang plastik ng mineral water na pinulot sa mga basurahan ng mga restaurant at fastfood sa kahaban ng Recto at mga karatig lugar. Piso kada isa ang benta rito ng matandang babae sa mga sidewalk vendor na nagtitinda ng tingi-tinging mantika sa palengke. Nakasalampak si Aling Azon sa silat-silat na sahig ng bahay, na sa paningin ko ay pinasisigla ng pag-asang magiging pera kinabukasan ang mga pinagpapaguran.
Nagpaiwan ako sa bahay nina Carmina. Nakipagkwentuhan ako sa mga nakababatang kapatid niya na mabilis na nagbalik sa dating kinapupwestuhan sa bahay ng dalawang lumang silya, mesita at mahabang bangko, sa isang sulok na malapit sa bintana.
Tumabi ako sa mahabang bangko na inupuan ng magkapatid na Abigail at Obet. Agad kong napuna ang pagkakaiba sa katawan ng batang lalaki. Ang laki ng mga braso ay mas malaki kaysa mga binti at hita. Kinakailangan munang maglambitin ni Obet sa kinauupuan bago makababa sa sahig. At mga kamay ang ginamit sa paglalakad sa halip na mga paa.
Kinalabit ako ni Abigail : “Alam mo ba, Kuya, kung nasa’n ang langit?”
Itinuro kong paitaas ang isang daliri.
“Du’n…Sa kaitaas-taasan. Lampas-ulap.”
Ngumiti sa akin si Abigail.
“Tama …At sabi ni Ate, sa langit daw ay magiging masaya na ang lahat.”
Sa nangingislap na mga mata at sa masiglang tinig ay inilarawan ng dalagita ang langit kung saan wala nang magugutom at luluha.
“At wala na rin daw magkakasakit du’n.”
“Parang fairy tales,” sa loob-loob ko.
“Kaya nga ibig ni Ate na sa langit kami mapunta. Du’n kasi, pati pagkalumpo ni Obet ay gagaling na raw. Makalalakad na s’ya at makasasali na s’ya sa mga laro.”
Nalibang ako sa pakikipag-usap sa dalagita habang hinihintay ko ang pagbabalik ni Carmina.
“Sorry, medyo nagtagal ako. Napakwento pa ng konti ke Arsenia, e. “
Umakyat si Carmina sa itaas ng bahay. Hawak niya ang ilang sachet ng kapeng tini-timpla lang sa mainit na tubig.
Nagtuloy siya sa mesang kinalalagyan ng thermos. Naglagay ng umaasong tubig sa dalawang makapal na baso. Ibinuhos ang kapeng “3-in-one.” (Itutuloy)
ni Rey Atalia