WOW! Salamat!
Iyan ang mga unang katagang namutawi sa labi ni James Yap matapos na ideklara ng PBA Press Corps sa pangunguna ni secretary Waylon Galvez (na nagdiwang ng kanyang birthday noong Biyernes) na siya ang napiling Holcim Most Vauable Player of the Finals ng katatapos ng PBA Commissioner’s Cup noong Huwebes.
Nagulat si James sa pangyayari. Hindi siya handa, e. Hindi niya akalaing siya ang mapipili.
Paano nga ba siya mapipili gayung anim na puntos lang ang ginawa niya sa Game Two kung saan natalo sila, 86-76?
Sa title clinching series, umabot naman siya ng sampung puntos pero lahat iyon ay sa fourth quarter nagawa.
Si Mark Barroca nga ay gumawa ng 12 sa kanyang 22 puntos sa fourth quarter din.
Sa totoo lang, ang hirap mamili ng MVP!
Nahirapan nang husto ang mga miyembro ng PBA Press Corps.
Kasi wala naman talagang local player ng San Mig Coffee na dumomina sa serye. Katunayan, walang local player ng San Mig Coffee ang umangat sa kabuuan ng conference. Kaya nga walang local player ng San Mig Coffee ang naging contender para sa Best Player of the Conference, e.
Pero San Mig Coffee ang nag-champion!
Ibig lang sabihin nito ay matindi ang teamwork ng San Mig Coffee. Hindi isa o dalawang players lang ang inaasahan ni coach Tim Cone kungdi marami. Puwedeng pumutok kahit sino. Puwedeng mag-ambag kahit sino.
Si Yap?
Siya ang highest pointer sa Game One na napanalunan nila, 95-80. Sa Game Three ay binigyan niya ng assist si James Mays na nakakumpleto ng three-point play upang ibaba ang four-point lead ng Talk N Text. Pagkatapos ay nagbuslo siya ng mahirap na side jumper sa harap ni Kelly Williams. Nagwagi sila, 77-75. At sampung puntos sa fourth quarter matapos bokya sa unang tatlo ng Game Four.
Karapat-dapat si Yap na Holcim MVP of the Finals.
Sabrina Pascua