Sa kabila ng hindi kagandahan sa arangkadahan at makailang beses din na nasalto ay nalusutan ang lahat ng iyan ni jockey John Alvin B. Guce para maipanalo ang kabayong si Kid Molave sa unang leg ng 2014 PHILRACOM “Triple Crown Stakes Race” (TCSR) na naganap nung isang hapon sa pista ng Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Kaya naman ang lahat ng tumutok at sumuportang BKs sa nasabing kalahok ay nasiyahan ng husto sa kanilang napanood, sabay dugtong pa nila na isang tunay na kampeon si Kid Molave. Naorasan ang tampok na pakarerang iyan ng 1:36.6 (24’-22’-23-26’) para sa distansiyang 1,600 meters.
Sa naganap naman na “Hopeful Stakes Race” ay magaan na nasungkit iyon ng kabayong si Malaya na nirendahan ni Unoh B. Hernandez at pagmamay-ari ni butihing Mandaluyong City Mayor Benhur C. Abalos Jr.. Tumapos si Malaya ng tiyempong 1:37.6 (24’-23-23’-26’) sa parehong distansiya na 1,600 meters na marami pang maibubuga pagdating sa meta.
Kaya malaki ang posibilidad na magkakasubukan sila ni Kid Molave kapag nagkaharap sa ikalawang leg ng TCSR sa Hunyo 22, 2014 sa pista ng Sta. Ana Park.
Fred L. Magno