KAPAG NASA HARAP NG TAGAYAN SENTRO NG USAPAN ANG LUGAR ‘SAWSAWAN’ SA RECTO, DAGUPAN AT MAYPAJO
Nakipag-inuman ako sa mga kapwa tricycle driver sa dulong sulok ng parada-han ng aming Toda na nasa tabing kalsada. Bahagya nang nakararating dito ang liwa-nag na nagmumula sa poste ng Meralco. Ginawa doon na patungan ng bote ng alak ang mesitang sulatan ng aming dispatcher sa pag-iiskedyul ng bumibiyaheng miyembro ng Toda at pagrerekord sa nagawang biyahe ng bawa’t isa. Sinangag na mani at kuwentuhan ang aming pinulutan sa paghaharap-harap sa bilog na mesita
Nababad ang kwentuhan ng mga tricycle driver na katunggaan ko sa pinakapaboritong paksa ng mga kalalakihan – ang babae na naging dahilan ng pagpapalayas kay Adan sa paraiso. At kapag ito ang napag-uusapan, ang bawa’t isa ay naglalabas ng kanya-kanyang kalokohan upang magmukhang barako.
“Ang tahong, para bumuka ay kailangan munang painitin,” ang may pagmamagaling na banggit ng lalaking mas may edad kaysa akin at sa tatlo ko pang kasama-hang tricycle driver.
“Kaya ka pala napanot sa sabunot ng chicks,” sabat ng katabi ko.
Sumambulat ang malakas na halakhakan.
Hindi ako nakitawa sa kanila.
“Pero alam n’yo, una sa lahat ay pera muna ang kelangan. Walang pera, walang glorya. Kahit nga sa mga patakbuhing parausan, ‘di ubra’ng walang laman ang bulsa, baka putulin ang alaga mo,” ang mahabang litanya ng tricycle driver na nakakalbo na ang tuktok.
“O, ‘Pre, “ puna ng tricycle driver na kaharap ko sa umpukan. “Baka tubuan ng lumot ang baso mo.”
Dinampot ko sa mesita ang tagay. Nilagok ko nang straight ang laman ng baso.
“Wan taym, labas tayo,” panggaganyak sa amin ng may-edad na tricycle driver habang pinaiikot ang tagayang baso.
“Sige,” pitlag agad ng katabi ko na ma-dalas tuksu-tuksuhin na nagkakalyo ang kamay sa ‘pagmamaryang-palad”. “Me alam ako sa Raxabago.”
“Du’n tayo sa Dagupan, maraming mapagpipilian,” giit ng tricycle driver na kaharap ko.
“Mas maganda sa Recto, kabi-kabila ang bahay-sawsawan,” sabi ng isa pa sa nami-milog ng mga mata.
Nangibabaw sa mga suhestiyon ang kagustuhan ng mas makaranasan na tricycle driver na sa erya ng Maypajo mag-good time ang grupo. (Itutuloy)
ni Rey Atalia