HINALANG pinatay sa sakal ang natagpuang bangkay ng babae sa loob ng Selenna hotel sa Aurora Blvd., Cubao, Quezon City, iniulat kamakalawa ng umaga.
Patay na ang hindi pa nakikilalang biktima nang natagpuang nakapulupot sa kanyang leeg ang isang tuwalya.
Sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) natagpuan ang bangkay sa Room 331 Selenna hotel nasa kanto ng Aurora Blvd., at Stanford, Brgy. Socorro, dakong 6:30 a.m.
Ayon sa ilang staff ng hotel, bago natagpuan ang bangkay ng biktima, nakarinig muna sila ng isang malakas na sigawan sa kuwarto ng biktima.
Agad tinungo ng mga staff ng hotel ang kuwarto na pinanggalingan ng sigaw at nakita nila ang wala nang buhay na biktima.
Nakatakas ang kasamang lalaki ng biktima nang magpumiglas habang pinipigilan ng mga staff ng naturang hotel na dumaan sa second floor ng fire exit ng hotel.
Inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at ng suspek.
(a. danguilan)