Tuesday , December 24 2024

Sindikato sa BI at si ‘King Harry’

NAMAMAYAGPAG ang tinaguriang “downgrading syndicate” sa Bureau of Immigration (BI) na nangingikil sa mga dyuhang nais magpa-downgrade o magpalit ng uri ng kanilang visa upang maging legal ang pananatili sa Pilipinas.

Batay sa impormasyong nakarating sa atin, ang sindikatong ito’y kilala bilang Millionaires’ Club na binubuo ng mga beteranong immigration officers na nasa naval ofloating status at walang partikular na destino.

Ang ‘tirador’ ng pangkat na ito na nangigikil sa mga dayuhang may problema sa kanilang visa ay may alyas na”King Harry Nemesis,” isang kontrobersiyal na BI confidential agent na sinibak na sa kawanihan noon pang Marso 2014.

Ang modus-operandi ng sindikato ay pairalian ang “red tape” o patagalin ang proseso ng application para sa pag-downgrade ng visa ng banyaga para may dahilan silang singilin nang mula sampung libo pataas ang bawat dayuhan upang mapabilis daw ang approval ng downgrading.

Ang koleksiyon ng sindikato ay idinedeposito sa isang ATM savings account na nakapangalan kay King Harry Nemesis na kanilang pinaghahatian tuwing Huwebes sa Patio Conchita sa Intramuros.

Bukod sa pagiging bagman ng grupo, obligasyon din ni King Harry Nemesis na busugin o magpadala ng masasarap na almusal, tanghalian at meryenda sa mga kasabwat na mga opisyal at kawani na klasipikado bilang “monitoring unit” nila.

Kahit nasipa na bilang kawani ng BI, napipilitan daw ang sindikato na panatilihin sa kanilang grupo si “King Harry Nemesis” sa takot na isigaw niya ang lahat ng ilegal nilang pangunguwarta sa kawanihan.

Kaya laglag ang balikat ng mga travel agent/representative nang mabalitaan na hindi pala siya nawala sa kural ng BI kaya tuloy ang panghuhuthot sa kanila.

Ang tanong, kasali kaya si Commissioner Siegfried Mison sa mga nabibiyayaan ng Millionaires’ Club?

WALK THE TALK, CJ SERENO

NAGSERMON si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa 2014 graduating class ng University of the Philippines (UP) na gamitin ang kanilang kabataan sa paghulma ng isang patas at malayang bansa, at walang katiwalian.

“Alam po ng lahat na ang mga mansyon ng mga matataas na mga opisyales ay hindi po nila kayang ipagawa sa lehitimong kita, lalo na po’t maraming mga kerida o pamilya. Ngunit kakaunti lamang po ang makapagtataas ng boses sa garapalang buhay na magara,” ani Sereno sa kanyang talumpati.

Nakalimutan yata ni CJ Sereno ang dalawang naganap na EDSA People Power Revolution na nagpatalsik din sa dalawang despotiko at mandarambong na gobyerno, kaya hindi totoo ang sinabi niyang kakaunti lang ang makapagtataas ng boses sa garapalang buhay na magara.

Sa katunayan, ang pinakahuling sinipa ng people power, ang convicted plunderer na si Joseph “Erap” Estrada ay may nakabinbing disqualification case sa Korte Suprema na pinamumunuan ni CJ Sereno.

Angkop na angkop pa nga kay Erap ang paglarawan ng corrupt government officials  ni CJ Sereno bilang “may mga mansiyon na mataas na opisyal na hindi kayang ipagawa sa lehitimong kita, lalo na’t maraming mga kerida at pamilya.”

Marami nang napagpasyahan na disqualification case ang Supreme Court kaya kaduda-duda ang tunay na dahilan kung bakit hindi nito inaaksiyonan ang kaso ni Erap.

Dapat muna sigurong humarap sa salamin si CJ Sereno bago magsermon tungkol sa katiwalian, lalo na’t wala pa siyang napatunayan.

Bilang Chief Justice, siguradong alam ni Sereno na ang pangunahing tungkulin niya ay tiyakin na umiiral ang batas sa bansa, hindi para sa ilang piling indibidwal lamang.

Kung usigin man ang Kataas-taasang Hukuman ng mga Manilenyo sa pagkakait sa kanila ng karapatang magkaroon ng maayos at mapayapang buhay sa kamay ng kuwalipikadong alkalde, walang dapat sisihin si CJ Sereno kundi ang kanyang sarili.

DUTERTE DAPAT TULARAN,

‘DI SUWAPANG SA KARANGALAN

TINANGGIHAN ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang nominasyon sa 2014 World Mayor Award.

“’Di ako tumatanggap ng awards. What I did is simply doing my job as a mayor and I am paid by the people to be just like that,” anang alkalde.

Sabi niya, sapat na sa kanya na kontento ang mga taga-Davao sa kanyang serbisyo.

Wala sa kalingkingan ni Duterte ang mga hambog, magnanakaw at mapagpanggap na opisyal ng pamahalaan na kahit sa ibang bansa ay bumibili ng award para maipantatakip sa masama nilang pagkatao upang hindi mahalata ang kanilang mga panloloko.

Ang award ni Duterte ay nakalimbag sa puso ng mamamayan, hindi sa tropeo o plake na ukol lamang sa mga patimpalak.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

MMFF 2024 Parade of Stars

Parade of Stars nagningning, dinumog at pinagkaguluhan

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio STAR studded at matagumpay ang MMFF 2024 Parade of Stars noong Disyembre …

Korina Sanchez-Roxas Rachel Alejandro 

Alamin major heartbreak ni Rachel Alejandro

PANALO na naman ang latest episode ng Korina Interviews this Sunday, December 22, 6:00 p.m., on NET25. Sa …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *