ni Maricris Valdez Nicasio
KAHANGA-HANGA rin ang determinasyong pumayat ng itinanghal na Pinoy Biggest Loser na si Bryan Castillo ng Makati dahil kalahati pala ng kanyang orihinal na timbang ang nabawas sa kanya.Mula 293 pounds, naging 139 pounds na lang si Bryan. Ibig sabihin, nakapagtala siya ng kabuuang weight loss percentage na 52.56% mula sa simula ng programa o 154 pounds.
Kaya naman natalo niya ang ibang co-finalists na sina Kayen Lazaro, Francis Asis, at Osie Nebreja para makapag-uwi ng P1-M, home appliance showcase, business franchise package, P100,000 worth of sporting good and accessories, at lifetime gym membership.
Ayon kay Bryan, matapos siyang manalo, “Hindi pa po nagsi-sink in sa akin ang lahat ng nangyayari. Sobrang saya ng feeling na nakuha ko ‘yung title na ‘Biggest Loser’. Siyempre ang hiling ko lang naman ay mapasaya ‘yung pamilya ko. Ito ‘yung ibinigay ni God sa akin,” ani Bryan.
“Ngayon, tumatayo ako rito sa harap ninyo na wala nang takot. Hindi na ako tatalikod. I’m looking forward to a better future and a better Bryan,” aniya pa.
Si Bryan ay kabahagi ng Team Magkapatid kasama si Ikya, na natanggal sa kompetisyon matapos ang 10th weigh-in. Bilang bigating double, sila ang may pinakamaraming challenges na napanalunan sa loob ng Biggest Loser Doubles camp.
Si Kayen naman ang itinanghal na first runner-up at nanalo ng P500,000 Mula 287 pounds, kasalukuyang 142 pounds na lamang siya. Second at third runners-up naman sina Francis at Osie ng Bagong Bigateam na nagtala ng weight loss percentages na 48.85% at 47.5%. At dahil nakarating sila sa finale ng buo, dinoble ang kanilang cash prizes na P300,000 at P200,000 na kanilang naiuwi.
Panalo rin ng isang taong gym membership and home appliance showcase ang tatlong runners-up.