MARAMI ang pumabor sa US inventor na lu-mikha ng gadget para makalaro ng amo ang kanyang alagang pusa habang siya ay wala sa kanilang bahay.
Si Lee Miller ay umasang makapag-iipon ng $30,000 para mailunsad ang Kittyo device, sa pamamagitan ng Kickstarter.
At sa loob lamang ng tatlong araw ay tumanggap siya ng mahigit $150,000 pledges – limang beses na mas mataas sa kanyang target – at sapat para mai-market ang nasabing device sa taon na ito.
Sinabi ni Mr. Miller, naisip niya ang nasabing ideya habang inalagaan ang pusa ng kanyang kaibigan na may mahalagang pinuntahan.
“It just hit me; there’s got to be a way to allow cat parents to interact with their cats while they’re at work or on the road travelling,” aniya.
Ang Kittyo device ay madaling mapaandar kahit nasa malayo sa pamamagitan ng paggamit ng apps sa ano mang IOS o Android-enabled smartphones.
Mahihikayat ng users ang kanilang alaga patungo sa Kittyo sa pamamagitan ng kanilang sariling boses o paglikha ng tunog. Maaari rin nilang makita ang kanilang pusa sa pamamagitan ng nakakabit na camera at maaari ring mag-record ng video ng kanilang alaga.
Maaari ring makontrol ng Kittyo users ang laser pointer na aakit sa pusa para habulin ito at makipaglaro.
Maaari ring magpalabas ang amo ng “extra treats” para sa pusa mula sa nasabing device.
“The lives of cat parents who miss interacting with Fluffy while away from home will forever be changed in 2014,” dagdag pa ni Mr. Miller.