LAOAG CITY – Hindi na umabot nang buhay sa Bangui District Hospital ang 6-anyos batang lalaki habang kritikal ang kanyang ina makaraan pagtatagain at hatawin ng martilyo ng kanyang ama.
Kinilala ang biktimang namatay na si Lemuel Pacheco, kindergarten pupil, habang malubha ang kalagayan ng kanyang ina na si Mary Anne Pacheco, nilalapatan ng lunas sa Gov. Roque Ablan, Sr., Memorial Hospital.
Sugatan din ang suspek na si Junie Pacheco, residente ng Brgy. San Lorenzo sa bayan ng Bangui sa Ilocos Norte, makaraan hatawin din ng martilyo ang kanyang ulo.
Ayon sa ina ng suspek na si Jovita Castro, nakita niya ang pagtaga ng kanyang anak sa leeg ng paslit at pagmartilyo ng suspek sa sariling ulo.
Dagdag ni Castro, nakita na lamang niyang duguan din ang ulo ng kanyang manugang na si Mary Anne.
Ngunit wala aniya siyang alam na dahilan upang gawin ng kanyang anak ang malagim na krimen.
Binabantayan ng mga pulis ang suspek habang ginagamot sa ospital upang hindi na makagawa pa ng krimen.
(KARLA OROZCO)