NAKIKIISA ang Palasyo sa pagbubunyi ng sambayanan sa kanonisasyon nina Pope John XXIII at Pope John Paul II, dalawang lider ng Simbahang Katolika na napamahal sa mga Filipino dahil sa kanilang kahanga-hangang pamumuno.
“Si Santo Papa Juan XXIII ang naging pangunahing tagapagtaguyod ng ekumenismo o ang pagkakaisa ng lahat ng pananampalataya. Siya rin ang nagpasimuno sa Second Vatican Council na naghudyat nang malawakan at malalimang reporma,” ayon kay Communications Secretary Herminio
Coloma Jr.
Habang si Santo Papa Juan Pablo II aniya ang pumukaw sa damdamin ng mga Filipino sa kanyang dalawang beses na pagdalaw sa ating bansa na ang una ay nagresulta sa tinatawag na “paper lifting of Martial Law”.
“Ang kanyang ikalawang pagdalaw noong 1995 ay naging makasaysayan dahil noon naitala ang pinakamalaking pagtitipon sa buong daigdig na dinaluhan ng tinatayang limang milyong katao sa Luneta sa pagtatanghal ng Pandaigdigang Araw ng Kabataan (World Youth Day),” kwento pa ni Coloma.
Umaasa ang Malacanang na magsilbing inspirasyon sa mas matibay na pagtalima sa katotohanan, katwiran, katarungan, mabuting pamumuhay, at pagkalinga sa kapwa sa isip, puso, at damdamin ng mga Filipino ang kanonisasyon ng dalawang Santo Papa. (ROSE NOVENARIO)