ARESTADO sa National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng si Cedric Lee at ang co-accused na si Simeon Palma Raz, iniulat kahapon ng umaga.
Kasama ng NBI na dumakip sa dalawa ay ang mga elemento ng lokal na pulisya sa isang barangay sa Oras Eastern Samar, dakong 11:15 a.m. kahapon.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, ang dalawang akusado ay ibibiyahe sa punong tanggapan ng NBI sa Maynila, mananatili sa kustodiya ng NBI at hihintayin ang commitment order mula sa korte na mayroong hurisdiksiyon sa kaso.
Ang dalawa ay kasama sa warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Paz Esperanza M. Cortes ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branh 27 sa kasong serious illegal detention na walang kaukulang piyansa.
Kabilang din sa ipinadarakip ni Judge Cortes ang modelong si Deniece Cornejo, Ferdinand Guerrero at Sajed Fernandez Abuhijleh alias “Jed Fernandez.”
Ani De Lima, noon pang Biyernes natunton ng NBI sina Lee at Raz nang makita sila sa ilang lugar sa Bicol pero lubhang mailap ang dalawa na nagpapalipat-lipat ng lugar hanggang matunton sa Samar.
ni LEONARD BASILIO