Dahil sa pagbabalik ng kompiyansa at pagpapatawad ng Hong Kong government sa pamahalaan ng Pilipinas ay nagningning muli ang pa-ngalan ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Erap Estrada.
Lalo tuloy umangat si Erap sa mga presidentiables sa 2016 dahil sangkatutak daw ang opisyal ng pamahalaan pero tanging ang dating pangulo lamang ng bansa ang nagtodo-kayod para mawala ang ginawang sanctions ng HK government.
Si Erap lang naman kasi ang gumawa ng paraan para makombinsing muli ang Hong Kong na tanggalin na ang kakaibang parusa at trato sa ‘Pinas dahil na rin sa madugong hostage crisis noong 2010 na ikinamatay ng 8 HK nationals.
Maging ang kompensasyon na aabot sa HK$20 milyon ay si Erap ang gumawa ng paraan para mairaos nang hindi mababawasan ang pondo ng gobyerno.
Sa maikling salita, in ngayon si Erap at ito ang dapat bantayan nina VP Jojo Binay at Mar Roxas dahil kakaibang pogi points ito ng dating pangulo lalo’t sangkatutak na OFWs ang nasa HK ngayon na kumakayod para sa kani-kanilang pamilya.
Tiyak din aangat muli ang turismo sa bansa dahil na rin sa pagtatagumpay ni Estrada dahil tatanggalin na rin ng HK government ang pagbabawal sa kanilang mga nationals na pumunta sa ‘Pinas.
‘Yan ang treat ngayon sa mga presidentiables dahil nakita naman natin ang resulta nang 2010 election na pumangalawa si Erap kay PNoy.
Kung si Erap ang ibinandera ng Iglesia ni Cristo noong 2010 ay tiyak kakaiba ang istorya ng politika sa bansa dahil nakabalik muli ang da-ting pangulo sa Malakanyang.
Grabeng taktika ang kailangan ngayon nina Binay at Roxas para masapawan si Erap at iyan ang dapat nilang pag-isipan at paghandaan dahil hindi nila pwedeng maliitin ang mamang taga- San Juan na ngayon ay alkalde ng Maynila.
Alvin Feliciano