Sinimulan na ang demolisyon ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Housing Authority (NHA) sa mga bahay sa Road 10, pinaniniwalaang paghahanda sa pagbisita ni US President Barack Obama, na nagsimula sa kanto ng Zaragoza St., Tondo, Maynila, iniulat kahapon.
Ayon kay DPWH National Capital Region (NCR) Assistant Regional Director Butch Canlas, ang demolisyon ay bahagi ng paglilinis ng mga sagabal sa nasabing kalsada na kinatatayuan ng bahay ng ilang pamilya.
Matatandaang sinabi ng grupong Kadamay na ang demolisyon sa Road 10 ay paghahanda sa pagdating ni US President Barack Obama sa Abril 28.
Ayon kay NHA Tondo Foreshore Estate Management officer-in-charge Rose Nartates, apektado ng demolisyon ang 500 pamilya.
Tiniyak ng opisyal na may paglilipatan sa mga apektadong pamilya sa Trece Martirez, Cavite na tinututulan ng mga apektadong residente.
Giit ng opisyal, nagbigay sila ng 30-day notice sa mga residente at nitong Abril 14, nagsimulang magbigay ng 7-day notice bago ilarga ang demolisyon na binantayan ng 100 Civil Disturbance Management (CDM) units ng Manila Police.