PARA sa mga debotong Kristiyano, Kalbaryo ang nag-iisang destinasyon sa mga sagradong araw ng Kuwaresma.
Marami ang dadagsa sa mga simbahan para sa Visita Iglesia o maglalakbay sa iba’t ibang probinsiya para sa ispirituwal na pagmumuni-muni.
Bagamat may ilan din, sa moderno na nga-yong panahon, ang nagagawang magtampisaw sa mga beach, umaasa ang Firing Line na maisapuso ang panahon ng pagsisisi kahit saan—kahit pa sa karaniwan nang magulong kalsada ng mga lungsod.
Gayunman, dumadami ang mga Pilipino na itinuturing ang holy days bilang holidays, isang mahaba-habang bakasyon mula sa paspasang survival sa ngayo’y pahirapang buhay.
Pangkaraniwan na lang ang sakripisyo para sa marami sa atin na nabuhay para magtrabaho at nagtatrabaho para mabuhay.
Sa ilang probinsiya na nasalanta ng bagyo o ng labis na tagtuyot, ang hindi pagkain nang tatlong beses sa isang araw ay masasabing isang masakit na katotohanan kaysa isang paraan ng paggunita sa mga pasakit at pagkamatay ni Hesus.
Hindi ba’t maitutumbas na sa mga hagupit at latay ng latigo ang pagtitiis sa masisikip at maruruming kalsada ng Metro Manila habang mistulang nakikipagsayaw sa kamatayan sa pa-kikipagpatintero sa mga humaharurot na bus?
Hindi pa ba sapat nang pahirap ang pagbabasa ng mga balita tungkol sa maramihan at walang pakundangang pagpatay, pangga-gang rape at mga katiwalian sa gobyerno?
Nitong mga huling linggo, halos nakukulili na ang ating mga te-nga sa sunod-sunod na pagkakabunyag ng mga anomalya sa gobyerno at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ito siguro ang dahilan kung bakit marami sa ating mga Kristiyano ang mas pinipiling tumakas kahit panandalian lang at isantabi ang ating mga tungkuling espiritwal tuwing Semana Santa.
Naniniwala marahil tayo na maiintindihan tayo ng Diyos. Pero mas mainam pa rin kung pagsisikapan natin na mapabilang ang ordinaryong araw sa kalendaryo ng mabubuti nating nagawa para na sa langit.
***
Malaking kaluwagan ang trapiko sa Metro Manila sa mga susunod na araw, pero kailangan pa rin magbantay ang mga traffic enforcer at mga pulis sa matataong lugar upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng magsisiuwi sa mga probinsiya at magsisipagsimba.
Taon-taon ay naglulunsad ang director ng Philippine National Police Highway Patrol Group ng malawakang “oplan” para sa Semana Santa.
Sigurado ako na nais ng mga motorista na mapatunayang epektibo ang road safety program ng HPG laban sa mga pasaway na motorista.
Gayundin, ang nasabing programa—na magpapakalat ng mas maraming awtoridad o safety marshals sa mga kalsada at magbubukas ng mga action desk at center sa mga bus terminal at mga port—ay dapat na maging matagumpay sa pagsugpo sa mga sindikato ng carnapping, sa mga smoke belcher, sa nagsisipagmaneho nang walang plaka, at iba pang kalokohan sa lansangan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.