HINAMON ng Palasyo si Bayan Muna Rep. Isagani Zarate na maglabas ng katibayan sa kanyang alegasyong ibinulsa ng dalawang miyembro ng Gabinete ang reward money para sa pagdakip sa matataas na opisyal ng kilusang komunista sa bansa.
Kinuwestiyon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ang batayan ni Zarate sa pagbibintang kina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Interior Secretary Mar Roxas na isinubi ang bahagi ng P20-milyon patong sa ulo ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, mga leader ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).
“We don’t know what the basis is for that and I have not seen the good congressman make any statement (kung) ano ang basehan at ano ba ‘yan? We’re certain that is not true,” ani Valte.
Sa ulat, inihayag ni Zarate na maaaring ibinulsa nina Gazmin at Roxas ang bahagi ng reward money sa mag-asawang Tiamzon dahil unang napaulat na tig-P10 milyon ang patong ng bawat isa sa kanila pero ang ini-report aniya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay P11.2 milyon lang ang kinobrang reward money o P5.6 milyon kada isa.
Matatandaang dinagdagan noong nakaraang taon ng DND at Department of Interior and Local Government (DILG) ang patong sa ulo ng 235 wanted na lider-komunista na umabot na sa P466.88 milyon.
(ROSE NOVENARIO)