HINDI pa man tapos ang usapin sa naging dagdag-singil noong Disyembre na kasalukuyang nasa Korte Suprema, heto naman ang pagtataas ng P0.89 per kilowatt hour (kWh) na singil sa koryente para sa Abril at inaasahan na sisipa pa sa Mayo.
Ang masakit sa ulo, presyo pa rin sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ang dahilan ng mataas na singil, kaparehong dahilan noong Disyembre at Enero.
Parang walang kadala-dala gayong napatunayan na nga noong Enero na may iregularidad sa naging presyohan nito.
Dahilan kung bakit ipinag-utos nga ng Energy Regulatory Commission ang muling pagkalkula sa presyohan ng WESM samga apektadong buwan.
Matatandaan mula sa P4.56 per kWh ay bumaba na lamang sa Php 0.45 per kWh ang adjustment para sa Enero ng Meralco matapos ang isinagawang recalculation ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) sa WESM prices.
Hindi lang ‘yan, maging ang iba pang customer sa ilang electric cooperative sa Luzon ay nakinabang din sa naganap na recalculation at makatatanggap nga ng soli-bayad o sobrang-singil.
Mukang mas dapat ‘atang tutukan ng mga consumer ng koryente ang WESM sa palagiang dahilan ng pagtaas ng singil sa koryente.
“Sa patuloy pa rin na pagtaas ng singil sa koryente, sa tingin ko dapat WESM na ang tunguhin ng taong bayan, ang totoong sanhi ng taas singil,” ayon kay Edwin Jalandoni Mirano, Bise Presidente ng Isabel de Hidalgo Homeowners Association.
Tila makatwiran ang tinuran ni Mirano lalo pa nga at hindi lamang ang mga customer ng Meralco ang apektado ng pagtaas ng singil sa koryente dulot ng WESM prices. Maging ang iba pang electric cooperatives sa Luzon ay nagtataasan din ang presyo dahil sa WESM. (HNT)