SWAK sa kulungan ang isang tricycle driver na notoryus karnaper, nang masundan ng kanyang pinakahuling biktima sa pinagdadalhan ng mga nakaw na motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon .
Kinilala ang suspek na si Elmer Constantino, 26-anyos, tubong Samar, ng Phase 1, Package 2, Block 8, Lot 9, Brgy. 176, Bagong Silang.
Sasampahan ng paglabag sa Republic Act 6539 (Anti-Carnapping Act of 1979), illegal possession of firearms at pag-ii-ngat ng video karera machine.
Sa ulat ni Chief Insp. Avelino Protacio II, hepe ng Special Reaction Unit (SRU) North Caloocan, dakong 1:00 p.m. kamaka-lawa, muling umatake ang suspek sa Phase 3, Brgy. 176.
Kapaparada lamang ng biktimang si Alexander Alfaro, 18, ng kanyang Mio Sporty (6110-RU) sa lugar, nang lapitan ng suspek sakay ng motorsiklo na minamaneho ng isang alyas Gilbert, sabay tutok ng baril sa biktima.
Dahil sa takot, walang nagawa si Alfaro kundi ibigay ang susi ng kanyang motorsiklo na agad minaneho ni Constantino.
Hindi nawalan ng loob si Alfaro kaya sinundan niya ang suspek.
Nang malaman kung saan nagtungo, mabilis na humingi ng tulong sa mga barangay tanod na sina Edward Singson at Jack Balayo saka tinungo ang lugar.
(rommel sales)