ni Ed de Leon
PALAGAY namin, natural na yata sa mga artist ang nagkakaroon ng mood swings. Hindi mo sila masisisi. Nagkakaroon ng epekto sa kanila ang madalas na ginagawa nilang paglalaro sa kanilang emosyon.
Ginagawa nila iyon dahil sa pag-arte nila at pagganap ng iba’t ibang klaseng role na kung minsan ay napakalayo naman sa kanilang personalidad.
Noong araw, iba rin ang reaksiyon namin sa kung minsan ay may pagka- prima donna attitude ng ibang stars, hanggang isang araw ay ipinaliwanag sa amin ng isa naming kaibigang doktor ang kanilang medical opinion sa mga pangyayaring iyon, na sa palagay namin siyang dahilan kung bakit mas nauunawaan ang mga hindi matatawag na normal na attitude ng mga artist kung minsan.
Nabanggit namin ito dahil sa naging issue ng umano ay walk out na ginawa ni Cherie Gilsa taping ng kanilang ginagawang serye kahit na hindi siya pinayagan ng production staff. Sinabing umalis siya kahit na hindi siya pinayagan, meaning hindi naman pala talaga basta walk out. Nagpaalam siya at hindi siya pinayagan. Umalis din siya. Iyon na nga ang sinasabi namin minsan, nangyayari talaga ang ganyan sa mga artist, pero hindi mo masasabing dahil lang sa ganyan ay unprofessional na siya.
Ang unprofessional ay iyong darating sa set ng lasing o bangag tapos nandoon nga pero hindi naman makapagtrabaho ng maayos. Ang unprofessional ay iyong gumagawa ng kung ano-ano na nakasisira sa kanyang propesyon. Kahit na anong galing ng isang artista, kung ganyan na ang ginagawa at talamak na ang bisyo, unprofessional na iyan at hindi na nga dapat bigyan ng trabaho.
Lalo na nga kung matagal nang nawalan ng trabaho tapos pagbabalik hindi pa rin nagbabago, aba eh dapat nga siguro magretiro na iyang ganyan, at mayroon niyan sa showbusiness. Hindi tsismis lamang iyan. Hindi blind item lang iyan. Nangyayari ang ganyan.
Iyong ganoon hindi nila maituro, iyong simpleng pagkakamali ni Cherie, at hindi namin sinasabing tama ha kundi isang “simpleng pagkakamali” gagawin pa ba nating malaking issue?