INAMIN na rin sa wakas ni Bureau of Customs (BoC) Deputy Commissioner for Enforcement Ariel Nepomuceno na tatlong taon na niyang kaibigan ang pamosong rice smuggler na si Davidson Bangayan a.k.a. David Tan.
Marami ang nagulat dahil ang pag-amin sa relasyon niya kay Bangayan ay naganap matapos mapaulat na isang report ang isinumite ni Deputy Commissioner for Intelligence Jesse Dellosa na nagdetalye nang pagkakasangkot niya at ilang opisyal ng gobyerno sa rice smuggling activities.
Markado bilang “for your eyes only” ang tinaguriang “Dellosa Report” nang makarating raw sa tanggapan ni Pangulong Benigno Aquino III, ibig sabihin, klasipikado ito bilang “very confidential report” na ang Presidente lang ang puwedeng magbukas at magbasa.
Kaya may mga namangha sa Customs nang biglang magpasiklab at hulihin ni Nepomuceno ang mga kargamentong bigas ni Bangayan kasabay nang paglutang ng reklamo ng isa raw biktima nang pangingikil ng pangkat ni Dellosa.
Bago pa lumala ang iringan nina Dellosa at Nepomuceno, isang mataas na opisyal ng Palasyo ang natataranta na pagkasunduin silang dalawa, bago pa humantong sa kanyang pintuan ang eskandalo.
Mahirap talagang tumira sa “glass mansion” lalo na’t maraming lihim kang itinatago at santambak ang puwedeng bumato sa iyo, hindi ba Exe-cutive Secretary Paquito Ochoa?
CUSTOMS, HEADQUARTERS NA
BA NG ALPHA PHI BETA?
NAKARATING din kaya sa kaalaman ni PNoy at ng Palasyo kung bakit sandamakmak na miyembro ng Alpha Phi Beta (APB) fraternity ay humahawak ng mga sensitibong puwesto ngayon sa Customs?
Sa dami nila ay mapagkakamalang headquarters na ng APB ang BoC kaya iisiping naitatag na ang bagong sindikato at sabwatan.
Ilan sa mga sinasabing miyembro ng APB, ang frat na kinabibilangan din nina Sen. Chiz Escudero at Nepomuceno, ay sina: Atty. Agaton ‘Ags’ Uvero, Depcom for Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG); Atty. Alexis Medina, Director for Legal Service ng Revenue Collection Monitoring Group (RCMG); Atty. Fel Lagmay, Chief of Staff sa Office of the Commissioner (OCOM); Atty. Teddy Raval, hepe ng Intellectual Property Rights Division (IPRD); Atty. Jet Maronilla ng AOCG; at si Nancy Hernandez ng Imports and Assessment System (IAS).
Tama ba, Undersecretary Carlo Carag ng Department of Finance?
Abangan!
MAYOR LIM, WALANG-SAWA
SA PAGTULONG
NAMUDMOD ng tulong kamakailan si Mayor Alfredo Lim sa mga nasunugan sa Moriones, Tondo.
Mainit na sinalubong ng nakabibinging hiyawan at palakpakan ng mga residenteng nasunugan si Mayor Lim, tuwang-tuwa sila nang muli nila itong makita.
Kahit wala sa puwesto, hindi nagsasawa sa pagbibigay ng ayuda sa mahihirap si Mayor Lim dahil nasa pagkatao talaga niya ang pagiging matulungin, hindi gaya ng iba na kilala lang ang mga maralita kapag nililigawan ang kanilang boto tuwing halalan.
PULIS-PASAY, PATONG NA RIN BA
PATI SA SPAGHETTI GANG?
NAKATANGGAP tayo ng reklamo hinggil sa kawalan ng aksiyon ng Pasay City Police sa talamak na operasyon ng Spaghetti Gang na nagnanakaw ng mga kable ng PLDT kaya umabot na sa 1,800 linya kaya ang mga residenteng naapektuhan sa buong P. Burgos at Arnaiz Sts. ay wala ring internet.
Dati nang nahuli ng Pasay City Police ang mga miyembro ng gang, dahil ang akala ng mga lespu, Acetylene Gang sila, kaya pinakawalan din agad at kulang raw ang ebidensiya.
Mismong sa harap ng media, at napanood ng buong mundo, ang pag-amin nila na mga linya ng PLDT ang ninanakaw nila at hindi sila ‘yung Acetylene Gang na naghuhukay patungong pawnshop para mandekwat, ano pang ebidensiya ang gusto ng pulisya?
Hindi maiiwasang pagdudahan na baka protektado na ng ilang tiwaling pulis-Pasay ang Spaghetti Gang, lalo na’t nabulgar na kapalit ng P300,000 ay dinedma ng mga tauhan ni Pasay City Police chief Col. Florencio Ortilla ang illegal na pag-take-over ng pangkat nina Erick “Ah-Ah” Valbuena, Bernard Golden at ng Japanese fugitive na si Kenji Akiba sa KTV club cum putahan na Miss U.
***
(Para sa anomang sumbong at reaksiyon, tumawag lamang sa 09174842180, o lumiham sa [email protected])
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid