ANG ipinagmamalaking kamandag ng Senado at Kongreso ay wala rin palang silbi at kabuluhan basta’t ang pag-uusapan ay sina MANNY SANTOS at TINA YU, ang dalawang “broker” kuno na tinaguriang ‘hari’ at ‘reyna’ sa Bureau of Customs (BoC).
Hindi kumpleto ang malaking krimen ng smuggling at economic sabotage kung wala ang mga nabanggit na pangalan sakaling idodokumento o susulatin ang mahabang kasaysayan ng talamak na smuggling sa Customs.
Kahit pa ilang beses nang naging tampok ang pangalang Manny Santos at Tina Yu sa magkakahiwalay na imbestigasyon ng Senado at Kongreso pero mga bakas pa rin nila ang nasa likod ng walang puknat at patuloy na smuggling sa Customs hanggang ngayon.
Ibig lang sabihin, UNTOUCHABLE sila at hindi matitinag ng paulit-ulit na imbestigasyon dahil may mga mambabatas sa Senado at Kongreso ang namamantikaan din kung kaya’t hindi masawata ang smuggling at pananabotahe sa ekonomiya ng bansa na nagaganap sa bakuran ng Customs.
Katunayan, sina Tina Yu at Manny Santos ay kabilang sa mga ibinulgar na pangalan ni Rep. Sergio Apostol sa Kongreso noong October 2013 na kapwa sangkot sa smuggling at hadlang sa “Matuwid na Daan” ng kasalukuyang administrasyon.
Sa kanyang privilege speech, si Tina Yu ay tinawag ni Apostol na ‘Reyna’ ng plastic resin smuggling at si Manny Santos ay kasama sa tinukoy na kasabwat ni alyas “David Tan” sa smuggling ng bigas.
Bukod sa isang “Mr. Lo”, hindi natin tiyak kung si Tina Yu at ang sinasabing gumagamit sa pangalan ng isang presidential relative na dating mambabatas bilang padrino at protektor sa kanyang resin smuggling sa Customs ay iisa.
Ipinagmamalaki raw kasi ng isang alyas Tina na siya ang kasa-kasama ng dating mambabatas at taga-bayad sa pagpapagamot nito ng malubhang karamdaman sa Europa.
Mukhang walang balak ang committee on agriculture sa Senado na isabit at idiin si Manny Santos kahit pa tahasang inamin nito na kasosyo siya sa mga kompanya na gamit sa malawakang rice smuggling ni Davidson Bangayan (aka David Tan) sa bansa.
“GUY” AT “JENNY”, MATINDI
ANG MGA ‘PALUNDAG’ SA BOC
SIGURADONG magugulat si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares kapag pinaimbestiga niya kung sino ang dalawa sa mga umano ay dating alipores ng kunya-kunyariang broker sa Customs na si Manny Santos.
Tiyak na hindi makakapaniwala si Comm. Henares kapag natuklasan niya kung gaano kayaman sina “GUY” at “JENNY” na mga dating garapata lang daw ni Manny Santos at dating lumalakad sa mga kargamento nila ni Davidson Bangayan (aka David Tan) sa aduana.
Matapos magkamal at makaipon ng malaking puhunan, sina Guy at Jenny ay agad tumiwalag sa pangkat ni Manny Santos para lumakad ng sarili nilang mga palusot.
Silang dalawa ang balitang malakas yumari at magpalusot ng mga MISDECLARED SHIPMENT na idinadaan sa iba’t ibang section sa Port of Manila (POM) at Manila Internatiuonal Container Port (MICP).
Ang mga shipment nina Guy at Jenny na kargado ng highly taxable products ay idinedeklarang GENERAL MERCHANDISE at pinatatalon sa mga PALUNDAG SECTION na hawak ng mga kakutsaba nilang principal appraisers at principal examiners sa POM at MICP.
Malakasan din ang kanilang smuggling ng mga IMPORTED ONION at GARLIC, kahit naghihigpit ang pamahalaan sa importasyon ng mga nasabing produkto na kalimitang inaangkat mula sa China.
Pasok din daw ang dalawa sa resin smuggling na iniimbudo ni Tina Yu, ayon sa ating impormante.
Hindi naitatanong ni Comm. Henares, madaling matutugis ng mga ahente ng BIR si Guy dahil mayroon siyang koleksiyon ng mga magagara at modelong imported luxury vehicles na halos hindi magkasya sa garahe ng kanyang malaking bahay kung sabay-sabay ipaparada.
Abangan!
“KATAPAT” SA DWBL
PAKINGGAN ang mga umuusok na balitaktakan sa mga napapanahong issue at pagbubulgar sa mga katiwalian sa aming programang “KATAPAT” na napapakinggan sa Radio DWBL (1242 Khz.), 11:00 ng gabi hanggang 12:00 ng hatinggabi, Lunes hanggang Biyernes, kasama ang inyong lingkod, ALAM chairman Jerry Yap, Rose Novenario, Peter Talastas, Jograd dela Torre at Atong Ma.
***
(Para sa anomang sumbong at reaksiyon, tumawag lamang sa 09174842180, o lumiham sa [email protected])
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid