BINABATI ko ang pamunuan at lahat ng tauhan ng Philippine Army sa kanilang ika-116 anibersaryo ngayong araw.
Sa pamumuno ng COMMANDING GENERAL ng PA na si MAJOR GENERAL HERNANDO IRIBERRI, sampalataya ako na mas magiging makahulugan ang Hukbong Katihan lalo’t mayroon sila ngayong ARMY TRANSFORMATION ROADMAP na naglalayong gawing hindi lamang puwersang pandigma ang Army kundi maging kabahagi na rin ng programang pangkaunlaran lalo na sa pakikitungonito sa sambayanan. Disaster response. Nation building. Napakaraming adhikain ngayon ang siyang ipatutupad ng bagong pamunuan ng ating Hukbo.
Malaki ang tiwala k okay Gen. Iriberri na mas kilala sa palayaw na DODO. LT. COLONEL pa lamang si Gen. Dodo ay nakasalamuha nap o natin siya gayundin ang kaniyang mga piling staff gaya ni ARMY SPOKESMAN LT. COL. NOEL “TOODS” DETOYATO. Parang magkakapatid na ang turingan naming ng mga nasabing opisyal. Mga bata pa lamang kami pare-pareho sa larangan ng aming magkaibang propesyon ay pinagtagpo na kami ng tadhana. Isang biyayang maituturing na magkaroon ng mabubuting opisyal na gaya nila sa panahong ito.
Naging Army spokesman din si Gen. Dodo noong 1999 nong bagong salta pa lamang ako sa Defense Beat. Nakasama po naming sila sa mga nagdaang digmaan noon sa Mindanao laban sa mga Abu Sayyaf at MILF. Sa hirap at ginhawa subok ang mga taong ‘yan. Hindi sila nagbago. Hindi tulad ng ibang mga opisyal lalo na sa Philippine National Police na may sakit na KALIMOT kapag promoted na at may ESTRELYA na sa balikat.
Malayong malayo sila sa uri nina Gen. Dodo, Lt. Col. Toods at iba pa nilang kasamahan.
Nitong nakaraang Miyerkules nagkaroon kami ng munting REUNION sa Officers Club ng PA sa Fort Bonifacio. Maraming kasamahan ko sa media ang inakalang may makikitang pagbabao kina Ge. Dodo. Wala!
Kung ano siya noong huli kaming nagkita-kita ay ganoon pa rin ang kaniyang pakitungo sa lahat. Kumbaga ang namumuno sa isang organisasyon ay salamin ng kabuuan. Kung bugok ang nakaupo, bugok din ang grupo. Kung matino, maayos at matuwid, ganoon din ang organisasyon.
Kulang po, mga kanayon, ang espasyong ito kung iisa-isahin ko ang mga mabubuting kaugalian at mga pagkakataong kinakitaan naming ng PROPESYUNALISMO ang mga opisyal na nabanggit ko. Sa ngayon, isa lamang ang tinitiyak ko. Mapalad ang Philippine Army at nakatagpo ng ganitong lider.
Kaya sa kanilang anibersaryo, isang MALAKING SALUDO po ang alay ko sa kanilang lahat. Sa inyong MAJ. GEN. IRIBERRI, aking aking taus pusong pagbati at panalangin na nawa’y gabayan kayo ng maykapal sa tinatahak ninyong TRANSPORMASYON!
HAPPY ANNIVERSARY PHILIPPINE ARMY!!!
Joel M. Sy Egco