HINDI inaasahan ng marami ang naging desisyon ng mga opisyal at pioneer members ng Moro National Liberation Front (MNLF) na sibakin ang damuho nilang chairman na si Nur Misuari.
Para sa kaalaman ng lahat, sa paggunita ng Jabidah massacre sa Corregidor ay ibinunyag nila ang isinagawang reorganisasyon at pagkakalagda sa deklarasyon ng pagkakaisa ng dalawang grupo na bumuo sa MNLF noong 1970s. Ito ay mga miyembro ng tinaguriang Freedom Fighters 90 (FF90) at Freedom Fighters 300 (FF300).
Inilantad din nila na iniluklok na bilang bagong MNLF chair ang dating vice chair na si Abul Khayr Alonto bilang kapalit ni Misuari, na lumihis umano sa pangarap ng Bangsamoro.
Ayon sa grupo ni Alonto ay inabandona ni Misuari ang mga prinsipyo ng MNLF, nang makibahagi ito sa pagdedeklara na ang Sulu, Palawan at Sabah ay independenteng estado. Ito raw ang nagbigay-daan para magkaharap ang puwersa ng sultan ng Sulu at awtoridad ng Malaysia.
Bukod diyan ay kinondena rin nila ang naging bahagi ni Misuari nang salakayin ng damuho niyang mga tagasunod ang Zamboanga City, na nauwi sa pakikipag-engkuwentro nila sa puwersa ng gobyerno.
Sandamakmak nga naman ang mga residenteng naperhuwisyo, napilitang lumikas, nawalan ng kabahayan at nasawi sa kagaguhang ito ni Misuari at ng kanyang mga tauhan. Dahil dito ay kinasuhan si Misuari ng rebelyon at pinaghahanap pa ng mga awtoridad hanggang sa kasalukuyan.
Hindi na raw magiging epektibong pinuno ng MNLF si Misuari bunga ng mga kasong kinakaharap, kaya iniluklok nila sa puwesto nito si Alonto.
Ang maganda pa sa bagong pamunuan ng MNLF ay sumusuporta sila sa kasunduang pangkapayapaan at handang makipagkaisa sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang ginawa nilang reorganisasyon sa MNLF ay may basbas umano ng Organization of Islamic Cooperation (OIC), na kinabibilangan ng mga bansang Muslim.
Nagpahayag naman ang tagapagsalita ni Misuari na si Emmanuel Fontanilla, na si Nur pa rin daw ang opisyal na chair ng MNLF. Sa madaling salita ay binabalewala nila ang desisyon at ginawang aksyon ng pioneer members ng MNLF.
Totoo naman ang sinabi ng grupo ni Alonto na ang mga pinaggagawa ni Misuari nitong huli ay lihis na sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng MNLF at ng gobyerno noong 1996.
Sa totoo lang, kapag hindi pa nahuli si Misuari ay patuloy lang itong lilikha ng gulo kapag nakasilip ng pagkakataon at umariba ang talangka sa utak nito. Hindi niya matatanggap ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF kailan man.
Kung hindi matatanggap ni Misuari na sinibak siya sa puwesto ng kanyang mga miyembro, mga mare at pare ko, may silbi ba ang pagiging chairman niya kung siya lang at ang kakarampot niyang natitirang tagasunod ang natitira sa kanyang grupo?
Manmanan!
Ruther Batuigas