SUPORTADO ni Pangulong Benigno Aquino III ang muling pagbuhay at pagpapayabong sa industriya ng Original Pilipino Music (OPM) sa bansa.
Ito ang tiniyak ng Pangulo sa kanyang talumpati sa PINOY Music Summit na inorganisa nina Ogie Alcasid ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit at Noel Cabangon ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc.
Aminado ang Pangulo na malaking problema ang pamimirata ng mga likhang komposisyon at awitin ng mga Filipino at ang modern technology ay hindi rin nagdulot nang mabuti sa music industry dahil imbes bumili ay ida-download na lang.
Ang Pangulo ay kilalang music lover at mahilig sa mga awiting OPM, jazz, blues, at pop.
Ipinagmalaki ng Pangulo ang kahusayan at kagalingan ng mga mang-aawit na Filipino kabilang ang mga nagpamalas ng talento sa ibayong dagat.
Base sa research ng University of the Philippines, malaki na ang ikinalugi ng bentahan ng mga awiting Filipino mula sa P2.7-B noong 1999 ay bumagsak ito sa P699-M noong 2010.
Isinisi ng Philippine Association of Recording Industry sa piracy o pamimirata ang pagkalugi ng halos isang bilyong pisong CD sales.
(ROSE NOVENARIO)