POSIBLENG may kanser si Janet Lim Napoles, ang sinasabing mastermind sa pork barrel fund scam.
Ito ang testimonya kahapon ng obstetrics and gynecology expert ng Makati Medical Center, kaugnay sa petisyon ni Napoles na siya ay ma-confine sa St. Luke’s Medical Center.
Inihayag ni Dr. Santiago Del Rosario, chairman ng Obstetrics and Gynecology ng Makati Medical Center, ang kanyang opinyon sa pagdinig ng Makati Regional Trial Court kahapon, hinggil sa medical condition ni Napoles base sa mga pagsusuri at ulat ng attending physician ng akusado.
Naniniwala si Del Rosario na dumaranas si Napoles ng
abnormal bleeding, dahil sa kanyang edad at sa dokumentong iprinesenta sa korte, nabatid na bumagsak ng 2 grams ang hemoglobin level ng pasyente.
Aniya, ang isa sa posibilidad na ikinokonsidera sa kondisyon ni Napoles, ay cancer, at ito ay madedetermina lamang sa pamamagitan ng biopsy. Bunsod nito, ipinayo ni Del Rosario na agad isagawa ang biopsy.
“Normally, Filipinas stop menstruating by 49.6 years of age. Napoles is already 50. Kapag may bleeding, baka may cancer. You have to consider this even if it is only a minor possibility. With cancer, any delay in treatment will spell the difference between cure and non-cure,” aniya.
(LAYANA OROZCO)