UMAABOT sa 500 pulis ang inireklamo dahil sa nagpapabaya sa kanilang mga pamilya.
Ito ay batay sa datos ng Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center.
Naaalarma ang PNP sa pagtaas ng bilang ng mga pulis na hindi nagbibigay ng sustento.
Nabatid na noong 2013, nasa 542 pulis ang inireklamo ng abandonement at non-support, mas mataas kompara noong 2012 na 327 lamang.
Ayon kay Senior Supt. Juanita Nebran, hepe ng Women and Child Protection Center, hindi lang galing sa mismong legal wife at mga anak ang reklamo na kanilang tinatanggap kundi pati na rin sa mga nabuntis na ibang babae.
Sinabi ni Nebran, nadadaan sa magandang usapan kapag pinagharap ang inirereklamo at nagrereklamo gaya ng settlement na boluntaryong ibigay na lang ng isinusumbong na pulis ang ATM sa kanyang misis.
Ngunit ang PNP chaplain service, at “divine intervention” ang technique para mapatino ang ilang mga pulis.
Sa bisa ng memo na inisyu ng PNP chief, ikakasa ng chaplain service ang pagsasagawa ng pastoral visit sa lahat ng istasyon ng pulisya at baka madaan sa konsensiya ang mga nagpapabaya sa pamilya. (HNT)