NAGALUSAN sa leeg si Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon nang sakalin ng convicted kidnapper’killer sa katatapos na promulgasyon sa Justice Hall ng Quezon City, kahapon.
Ayon kay Fadullon, palabas na sila ng court room nang atakehin siya ng convicted kidnapper.
Kinilala ang umatake na si Onofre Surat, Jr., itinuturong pangunahing responsable sa pagdukot at pagpatay kay Mark Harris Bacalla, anak ni dating QCRTC Judge Marciano Bacalla.
Nabatid na ang nakaposas na kamay ay nasa harap ng sentensiyadong kidnapper kaya nang sugurin niya si Fadullon ay nagawa pa niyang sakalin ang piskal.
Ito ay naganap makaraan hatulan ng guilty ni Judge Manuel Sta. Cruz, Jr., ng Quezon City Regional Trial Court Branch 226 si Surat dakong 10:30 a.m.
Si Surat ay hinatulan ng habambuhay na pag-kabilanggo nang walang parole, kaugnay sa pagdukot at pagpatay kay Bacalla sa Brgy. Fairview noong 2001. Ang tatlo pang kasama ni Surat ay nauna nang na-convict ng korte.
Nabatid na dalawang ulit na rin nagtangkang tumakas si Surat sa mga awtoridad mula noong 2001.
Mismong si Fadullon ay hindi makapaniwalang mangyayari sa kanya ang pag-atake sa loob mismo ng Justice Hall ng Quezon City.
Sinabi ni Fadullon, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari sa kanya ang ganoong insidente.
Kaugnay nito, nanawagan ang piskal na higpitan pa ang seguridad sa mga court room upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari.
Samantala, ayon sa salaysay ni Prosecutor General Claro Arellano, iwinasiwas ni Surat ang nakaposas niyang kamay kay Fadullon.
“Nagalit kasi ang accused tapos iwinasiwas ang kamay niya with posas and tinamaan si Fadullon,” pahayag ni Arellano.
Sinabi ni Arellano na “okay” na ang kalagayan ni Fadullon at kasalukuyan nang nasa Mandaluyong.
“We urge courts to tighten security measures in the courtroom during sessions to ensure the safety of the public including prosecutors and judges,” dagdag ni Arellano.
Kaugnay nito, sinabi ni Court administrator Midas Marquez, iniutos na niya sa executive judge sa QC RTC na magsumite ng ulat kaugnay sa insidente.
“Let’s wait for the report. In the meantime, let me reiterate to all our judges and court personnel the strict observance of our security protocols,” pahayag ni Marquez.
Aminado si Marquez na maaaring naiwasan ang insidente kahapon kung mahigpit na nasunod ang security protocols.
HATAW News Team