ISANG “big-time” Taiwanese drug lord na alyas “Mr. Go” ang minamanmanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa pagpapalusot umano sa bansa ng ilegal na drogang shabu mula sa bansang Taiwan.
Ang negosyo umano ng nasabing drug lord sa bansa ay pagsu-supply ng mga gamit sa fish pens at fish ponds. Ang main office ng kanyang negosyo ay sa Parañaque City, pero ang malalaking sangay nito ay matatagpuan sa Cebu, Dagupan City at Zambales.
Kilo-kilo umano ng shabu ang ipinararating sa bansa na inihahalo sa fish feeds at itinatago sa loob ng makina na gamit sa fish ponds.
Ang “dummy” ng Taiwanese drug lord na namamahala sa negosyo nito ay isang Chinese-Cebuana na nagngangalang “Contessa.”
Mahigit 20 taon na ang nakararaan nang matiklo ng mga awtoridad ang 48 kilos ng shabu na nakahalo sa fish feeds buhat sa Cebu papunta sa Maynila. Sinampahan ng kaso si Mr. Go nguni’t bago siya mahuli ay nakatakas pabalik sa Taiwan.
Kahit nasa Taiwan si Mr Go, patuloy pa rin ang ilegal na negosyo sa droga na dumarating sa bansa at pinatatakbo ng dummy niyang si Contessa.
Noong 2011, walang kamalay-malay ang mga awtoridad na sinuhulan pala ng milyones ang isang judge ng Manila Regional Trial Court (RTC) bago maglabas ng desisyon at ibinasura ang kaso laban sa drug. Bunga nito ay nakabalik agad sa bansa si Mr. Go at lalong pinalawak ang kanyang negosyo sa droga.
Ilang dating tauhan ng drug lord na kanilang sinibak at may nalalaman sa kanyang ilegal na negosyo ang nagsumbong sa NBI, PDEA at CIDG.
Ibinunyag sa sumbong na may kapatid umano si Mr. Go na ang negosyo naman ay paggawa ng styrofoam sa Parañaque. Nagpapalusot din umano ng shabu na inihahalo sa materyales sa paggawa ng styrofoam, na iniimbestigahan na rin sa kasalukuyan.
Barkada ni Contessa ang judge at sekretarya nito na nagsisilbing “adviser” sa kanilang illegal drug business, ayon sa source ng NBI, PDEA at CIDG. (HNT)