HINDI pa mairerekomenda ng Department of Health sa Kongreso na gawin nang legal ang paggamit sa marijuana bilang gamot.
Sa pagdinig ng House committee on dangerous drugs, sinabi ni Health Usec. Nemesio Gako, kailangan munang magkaroon ng mas maraming pag-aaral sa paggamit ng medical marijuana para mabatid kung mas marami itong benepisyo kompara sa panganib.
Ayon kay Gako, sa ngayon ay wala pang patunay na may therapeutic effect o nakagagamot ang marijuana at wala pang doktor sa bansa na gustong gumamit nito.
May pag-aaral aniya na nagsasabing nakabubuti ang medical marijuana sa mga pasyenteng terminally ill gaya ng sakit na cancer at AIDS, anti-convulsant din aniya ito at mayroong euphoric effect.
Ngunit lumabas din aniya sa pag-aaral na hindi lahat ng uri o variety ng marijuana ay pare-pareho ang epekto.
Pinangangambahan ng DoH na ang paggamit ng medical marijuana ay mauwi sa adiksyon at pagsimulan pa ng paghahanap ng ibang uri ng droga.
Ayon naman may Melody Zamudio ng Food and Drugs Administration (FDA), ang kanilang tanggapan ay nagbibigay ng compassionate special permit sa paggamit ng regulated drugs sa mga pasyente na malala ang sakit ngunit hindi kasama rito ang marijuana dahil ipinagbabawal pa ito sa ilalim ng batas.