TUWING matatapos ang laban ni Manny Pacquiao, ang laging tinatanong ng mga tao ay kung kailan nga ba siya magre-retire. Ganoon din ang tanungan matapos niyang talunin si Rios noong isang araw. Ganoon din ang sinasabi ng iba na siguro raw kung nagretiro na siya noon hindi na niya inabot iyong talunin ni Bradley at patulugin ni Juan Manuel Marquez.
Pero nakabawi na si Pacman, kahit na sinasabing talaga namang kayang-kanya niya si Rios, at sinasabi ngayon na baka sa susunod na taon ay may dalawang laban pang naghihintay sa kanya.
Palagay din namin, mukhang malabo pa ngang mag-retire iyang si Pacquiao. Kasi kung titigil ba naman siya sa boxing, ano ba namang trabaho ang pagkakakitaan niya ng ganoon kalaki? Hindi naman siya kikita ng ganoon kalaki bilang isang congressman, lalo na at wala na ngang PDAF. Hindi rin naman siya kikita ng ganoon kalaki bilang isang artista, dahil ang fans naman niya ay gustong mapanood na nakikipagsuntukan siya kaysa umaarte sa pelikula.
Hindi rin naman ganoon katindi ang naging dating ng kanyang TV show, kahit na nga talagang namimigay na sila ng pera. Hindi naman siguro kay Manny ang problema roon kundi sa klase ng project na ibinigay sa kanya sa telebisyon.
Pero ang maganda lang na ginagawa ni Pacman, mula sa kanyang personal na kita bilang isang boxer, tutulong siya sa mga biktima ng bagyong Haiyan sa Visayas. Iyong iba nga riyan daldal lang nang daldal bumunot ba kahit na isang singkong panot mula sa kanilang bulsa? Mabuti pa si Pacman, makalipas lamang ang dalawang araw pagkarating mula sa Macau, nasa Tacloban na agad. Eh iyong iba riyan nanood pa muna kung ano ang nangyayari, naglaro pa muna yata ng video, bago pinuntahan ang mga biktima, at pagkatapos ano naman ang naitulong? Nganga.
Ed de Leon