MASAYANG ibinalita ng pamunuan ng Viva Films na nabigyan ng Graded A ang kanilang bagong handog na pelikula, ang When The Love Is Gone ng Cinema Evaluation Board (CEB). Ito ay pinagbibidahan nina Cristine Reyes, Andie Eigenmann, Jake Cuenca, Gabby Concepcion, at Alice Dixson.
Naimbitahan kami sa premiere night ng pelikula at naaliw kami sa galing ng arteng ipinakita nina Jake at Thou Reyes. Ginagampanan ni Jake ang role ni Yuri, ang klosetang asawa ni Cristine. Si Thou naman ang assistant ni Cristine sa kanyang shoe business.
Unang ratsada pa lamang ni Jake sa screen, hinangaan na agad namin ang simpleng pag-arteng ipinakita niya bilang kimi at tagong beki. Kailangan niyang hindi ipahalata na bading siya dahil may asawa siya (Cristine) bukod pa na isa siyang politiko.
Maayos na naiarte ni Jake ang kanyang role, ang tanong lang ng ilang mga kapatid sa panulat ay kung sino raw kaya ang naging peg ng actor sa pagganap bilang beki sa pelikula? Hindi naman ito ang unang pagkakataong gumanap na bading si Jake pero talagang mahusay na actor si Jake. Anumang role ang ibigay sa kanya, nagagampanan niya ng tama.
Bongga rin ang pagbabading ni Thou gayundin ang mga linyang binibitiwan niya.
Sa kabuuan, ang mga linyang ibinabato ng mga actor ang bongga na hindi naman kataka-taka dahil ang pelikulang ito’y remake o base sa classic movie na Nagalit Ang Buwan Sa Haba Ng Gabi na idinirehe noon ni Danny Zialcita.
Ang When The Love Is Gone ay bilang 32nd anniversary presentation ng Viva Films at tribute ni Boss Vic del Rosario kay Direk Danny.
Palabas na ito sa mga sinehan at magkakaroon ng international screening simula December 6 sa LA, San Francisco, San Diego, Las Vegas, Virginia, Texas, Arizona, Nevada, Washington, at Hawaii.
Maricris Valdez Nicasio