HINDI malikot sa silya ang action star na si Robin Padilla! Madaldal lang!
Pero kahit pa ganoon siya kadaldal, dahil naka-uniporme siya ng isang heneral nang dumating sa awarding ceremonies ng 1stGintong Palad Public Service Award na iginawad ng MWWF (Movie Writers Welfare Foundation) sa 1Esplanade, talagang in character ito.
“Pagbibigay-pugay at respeto naman natin ito sa ating mga pulisya na patuloy na nagsisilbi para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Kaya, ganito ang nagiging suot ko sa mga dinadaluhan kong events. Marami pa rin sa kanila ang unsung heroes.”
In a way, masasabing may connect na rin ang pagsakay ni Robin sa pagsusuot niya ng mga ganoong attire dahil sa pelikula niyang isasalang sa MMFF (Metro Manila Film Festival) na may kinalaman at hango raw sa buhay ni Senator Panfilo Lacson, ang 10,000 Hours na ang mahahalagang eksena eh, sa Amsterdam pa kinunan.
“Dignified ang role dahil Senator ako sa pelikula na magiging fugitive in the end dahil lang sa paglaban sa korupsiyon sa bansa. So, hindi pa rin mawawala ang action scenes na siyang tatak Robin. Pero dahil mabusisi ang direktor kong si Bb. Joyce Bernal, sa mga ibang eksena, nagpapaulit-ulit talaga kami ng takes kasi ang ayaw niya ‘yung si Robin ang makita niya roon sa karakter.”
Habang ipine-Facetime niya si Mariel (Rodriguez) sa akin habang iginagawad sa ibang awardees ang kanilang parangal, naihinga rin ni Robin ang malaki niyang problema sa pelikulang ginagawa niya for his ‘sister’ BB Gandanghari.
“Batch (that’s how he fondly calls his friends na kasabayan niya), ang hirap pala! Kasi, ang laki ng budget na hinihingi sa akin ng magpo-produce kaya sabi ko, time out muna. Gustong-gusto ko ‘yung gawin. Pero alam mo naman na mayroon pa akong ‘Kuratong Baleleng’, ‘di ba? So, tinitingnan ko muna kung paanong mababawasan lang kahit kaunti ‘yung iprinisinta sa aking budget. Of course, gusto ko ‘yan dahil para kay BB ‘yan. Pero, huwag naman sanang ganoon kalaki.”
Are we talking of millions here?
“Sobra talaga, Batch. Baka butas na butas naman ang bulsa ko.”
Considered to be such a generous person, kaya naman iginawad sa kanila ni Mariel ang parangal dahil sa kanyang Liwanag ng Kapayapaan Foundation, very humble pa rin si Robin sa pagsasabing, “Tuwang-tuwa po kami talaga sa award na ipinagkaloob sa amin pero sa tingin ko, marami pa kaming dapat na gawin para sa ating mga kababayan. Nagsisimula pa lang kaya sige lang kami nang sige ni Mariel sa pagtungo sa iba’t ibang lugar na nasalanta ni Yolanda. Sa Cebu siya, ako naman sa Mindanao.”
Looks like, kuntento ang mag-asawa sa buhay nilang tila araw-araw pa rin ang ligawan at kilig sa kanila.
“Masaya rin ako for Kylie dahil sa bago niyang programa. Maliit pa lang ‘yan, ang pag-aaksiyon na talaga ang dream niya. Siya ‘yung gustong sumunod sa yapak ko, eh. Sana suportahan niyo siya, Batch!”
Kung suporta at suporta rin lang ang pag-uusapan, nakita rin namin kung gaanong kamahal si Robin ng kanyang mga Muslim brother dahil sa kanila inialay nito ang kanyang parangal.