HUMINGI ng saklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 18-anyos estudyanteng Pinay kasama ang kanyang ina at ang Chairman Emeritus ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na si Atty. Manny Obedoza.
Ito’y kaugnay sa pagbabanta na papatayin umano siya kapag nagsumbong sa mga awtoridad.
Ayon sa biktima na si alyas JP, kaya siya nagtungo sa NBI ay para matulungan at maproteksiyonan dahil sa natatanggap na banta na kinasasangkutan ng umano’y dalawang SBMA Police.
Giit ni alyas JP, walang nangyaring rape at ang ginawang kaso ay palabas lamang para kikilan ng halagang P50 milyon ang isang negusyanteng Taiwanese.
Natakot umano ang Taiwanese na maapektohan ang negosyo niya matapos ma-dismiss ang kaso.
Tiniyak ng NBI na bibigyan ng proteksiyon si alyas JP at kung maaaring mailagay sa Witness Protection Program (WPP).
Sinabi ni NBI Acting Director Lito Magno na susubukan nilang malaman kung ano ang mangyayari sa mismong kaso.
Sa ngayon makikipag-ugnayan na ang NBI sa kanilang mga agent mula sa Bataan at Olongapo.
Nauna rito ay lumiham para humingi ng saklolo si JP at ang kanyang ina kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., upang bigyan ng aksiyon ang kanyang reklamo laban sa ilang mga empleyado ng Subic Bay Metropolitan Authorithy (SBMA).
Nararamdaman ni alyas JP at kanyang ina na tila binibigyan pa umano ng proteksiyon ng pamunuan ng SBMA ang kanilang mga inirereklamong empleyado na pawang miyembro ng SBMA police.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com