FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
SUSUBUKAN kong kahit sandali lang na isantabi ang pagiging prangka, pigilan ang bugso ng galit, at hinaan ang maingay na reaksiyon ko sana sa pinakahuling kabanata ng flood-control saga na ito. Gagawin ko ang inaasahan sa mga mamamahayag: bigyan ng benefit of the doubt ang mga institusyon, ipagpalagay na may rational process, legal prudence, at good faith na gumagana.
Hanggang dito lang pala ang effort na ’yan. Dito na ako titigil at sana’y huminto rin ang Department of Justice (DOJ), mag-isip nang mabuti, at amining mali ang pagkaintindi nila sa marching orders mula sa Malacañang — o sadyang napakabobo lang nila.
Seryoso ba tayong hinihilingang tanggapin ngayon na sina Department of Public Works and Highways (DPWH) executives Henry Alcantara at Roberto Bernardo ay inihahanda na para sa isang status na delikadong malapit sa pagiging bayani sa pinakamalaking flood-control heist sa mga nagdaang taon?
ANO DAW???
Ang witness protection — sa pagkakaintindi ng karamihan, at hindi naman ako abogado — ay umiiral para mabutas ang mga conspiracy sa pamamagitan ng pagligtas sa mga may pinakamaliit na kasalanan. Sa mga maliliit na isda. Sa mga madaling isakripisyo. Hindi sa mga taong umano’y naligo sa kickback na sobrang laki na kailangan na ng forklift para maibalik ang mga nakulimbat na pera.
Bakit nga ba ito ikinonsidera ng DOJ? Si Alcantara pa lang ay nagbalik na ng P181 milyon. Idagdag mo ang P80 milyon ni Gerard Opulencia, P35 milyon ni Bernardo, at P20 milyon ng contractor na si Sally Santos — aabot sa P316 milyon ang sinasabing ‘voluntarily’ na ibinalik. Hindi ‘yan barya. Hindi ‘yan incidental participation. Iyan ay prima facie evidence nang malalim, matagal, at pagkakasangkot sa kitaan.
Pero gusto tayong paniwalain ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida na sila raw ang “least guilty” — conveniently pa ngang dini-dismiss sa criminal liability “for particular cases,” basta’t kumanta sila ayon sa gusto ng prosekusyon at huwag babawi ng testimonya. Isang legal magic trick ito: gawing props ng prosecution ang mga pangunahing aktor, at umasa na papalakpakan ng publiko ang ilusyon.
Ito ba ang premyo sa pagbabalik nang halos P200 milyon? Ganito na pala ngayon: ito ang ticket nila papasok sa witness protection — at anong mensahe ang ipinapadala nito sa buong burukrasya? Na kapag sapat ang laki ng ninakaw mo, at nahuli ka, baka kaya mo na rin bilhin ang sarili mong immunity!
Mas masama pa, mas maraming tanong kaysa sagot ang inilalabas ng pagiging selective ng DOJ. Dalawa pang DPWH officials ang tinanggihan ng state-witness status, pero hindi raw puwedeng ilahad ang basehan ng desisyon. Translation: magtiwala na lang kayo. Tinimbang na namin ang lahat — sa likod ng kurtina.
At nakabalandra sa lahat nang ito ang marching order ng Malacañang na durugin ang korupsiyon, kahit pa magdulot ito ng kaba sa ekonomiya. Sige. Pero kung ganito ang itsura ng accountability — ang pinakamalalaking kolektor ang pinapalaya, habang ipinapangako sa publiko ang hustisya sa hinaharap — nanganganib itong maging isa na namang maingat na isinadulang palabas.
Ang mga flood-control project ay dapat pumipigil sa sakuna. Sa halip, naging gatasan sila para sa mga opisyal, contractor, at politiko. Kung talagang gusto ng DOJ ng reporma, tandaan nila ito: hindi nililinis ng mga witness ang isang krimen. Paghahatol ng korte ang gumagawa niyan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com