LIBO-LIBONG mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ang nagsama-sama upang gunitain ang ika-21 anibersaryo ng pagpanaw ni Fernando Poe Jr. (FPJ), isang makasaysayang pagtitipon na muling nagpatunay sa lalim at lawak ng impluwensiya ni “Da King” sa buhay ng sambayanang Filipino.
Dumalo sa paggunita ang maraming organisasyon at kilusan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang FPJ Youth, PolPhil, Puso ng Solo Parents Movement (PSPM), Volunteer Poe Kami Movement, KAMPILAN, Kabataan sa Kartilya ng Katipunan (KKK), TAUMBAYAN, Konseho ng Mamamayan ng Quezon City (KM-QC), Advena Christian Workers, TAU GAMMA, FPTA–Rizal, FARMC Rizal, Vendors Officer Association of Rizal, TODA Rizal, Confederation of Filipino Workers (CFW), at Bagong Umaga Movement.
Para sa mga sektor na matagal nang hinipo ng malasakit ni FPJ, nananatiling buhay ang kanyang alaala at inspirasyon.
Ayon sa pamunuan ng Puso ng Solo Parents Movement (PSPM): “Naging makasaysayan ang buhay ni FPJ; siya ang naging idolo ng buong bayan. Saksi ang mga solo parents sa kanyang mga nagawa upang bigyang inspirasyon ang bawat Filipino. Nawa’y magpatuloy ang kanyang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng kanyang pamilya, mga anak, at apo. Buhay ang alaala niya sa aming mga solo parents sa buong bansa.”
Ani nina Nato Agbayani, Vice Chairperson, at Josie Velasco, Chairperson ng PSPM.
Nagpahayag din ng pagpupugay ang PolPhil, binibigyang-diin ang kabutihan at katapatan ni FPJ na nasaksihan mismo ng maraming Filipino.
“Sa ika-21 anibersaryo ng pagpanaw ni Fernando Poe Jr., pinararangalan ng PolPhil ang katapatan at kabutihang-loob na aming nasaksihan sa taong itinuturing ng marami bilang ika-14 na pangulo ng Filipinas na hindi nakamit at naranasan ng mga Filipino. Ang kanyang legasiya ng paglilingkod, kababaang-loob, at pagmamahal sa sambayanang Filipino ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon at gumagabay sa amin—nawa’y palakasin ng kanyang alaala ang ating sama-samang hangaring iangat ang buhay ng mga Filipino.”
Para sa mga kabataan ng Maynila, lalo sa mga komunidad na matagal na pinagsilbihan ni FPJ, malinaw ang bakas ng kanyang kabutihan.
“Nakatatak sa bawat sulok ng Maynila at sa isipan ng mga kabataang Manileño ang kabutihan ni FPJ, lalo na sa Quiapo, Tondo, at Blumentritt. Ang kanyang mga pelikula ay patuloy naming kinapupulutan ng aral at nagsisilbing gabay,” ayon sa Kilos Manila Tundo Carnalismo.
Mula naman sa hanay ng mga manggagawa, binigyang-diin ng Confederation of Filipino Workers (CFW) ang mas malalim na kahulugan ng pagiging bayani ni FPJ.
“Ang legasiya ni FPJ ay patuloy na nabubuhay sa puso ng sambayanang Filipino —hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang mga pelikula, kundi sa kanyang walang kapantay na malasakit sa masa. Ang anibersaryo ng kanyang pagpanaw ay paalala na ang tunay na kabayanihan ay matatagpuan sa paninindigan para sa katarungan, dignidad, at kapakanan ng nakararami. Sa paggunita kay FPJ ngayon, muli naming ipinapangako ang aming sarili sa paglilingkod sa mga taong kanyang minahal at ipinaglaban. Mabuhay si FPJ!”
Nagkaisa ang KAMPILAN at mga katuwang nitong organisasyon sa pag-aalay ng kanilang paggunita at pakikiisa sa pamilya Poe.
“Bilang mga lider at kasapi ng KAMPILAN at mga katuwang na organisasyon—tulad ng Nagsama-samang Samahan (NSS), Ugnayan ng Progresibong Kabataan, UPCAVILLE, Socialista, Katipunan ng mga Samahan ng Manggagawa (KASAMA), at National Confederation of Labor (NCL) sa pangunguna ni Glecy Naquita—buong puso naming iniaalay ang aming paggunita at pagpupugay kay FPJ, kasabay ng pakikiisa sa pamilya Poe sa araw na ito.
Naniniwala kami na ang tunay na alaala kay Fernando Poe Jr., ay hindi lamang matatagpuan sa mga pelikula at parangal, kundi sa patuloy na paglilingkod sa taong-bayan, lalo na sa maralita at mga inaapi. Ang diwa ng pagkalinga at pagkakaisa na kanyang ipinamalas sa buhay ay dapat magsilbing inspirasyon sa lahat ng progresibo at makabayang pagkilos.”
Binigyang-diin ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Congressman Brian Poe ang dahilan kung bakit patuloy na nagkakaisa ang iba’t ibang sektor sa paggunita kay FPJ.
“Lahat tayo nandito dahil natulungan ni FPJ ang iba’t ibang sektor. Ano ba ‘yung gusto ni FPJ noon? Gusto niyang magbago ang sistema, maging mas maganda ang buhay ng bawat isa sa atin kaya ‘yon ang ginagawa natin sa pagpasok natin sa araw-araw sa aking trabaho,” ani Poe.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si dating Senadora Grace Poe sa patuloy na pag-alala at panalangin ng mamamayan.
“Kapag nakikita ko kayo, talagang tumitibay lalo ang aming puso sapagkat alam naming hindi ninyo nakakalimutan ang legasiya ni FPJ. Maraming, maraming salamat sa inyong lahat sa patuloy ninyong pagdarasal para sa kanya,” ani Poe.
Sa ika-21 anibersaryo ng pagpanaw ni Fernando Poe Jr., malinaw ang mensahe ng iba’t ibang sektor: ang legasiya ni FPJ ay patuloy na buhay—hindi lamang sa alaala ng pelikula, kundi sa sama-samang pagkilos, malasakit, at paninindigan para sa sambayanang Filipino. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com