DALAWANG kilalang tulak ng droga ang naaresto habang humigit-kumulang 500 gramo ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may halagang P3.4 milyon ang nakumpiska sa isang operasyon laban sa ilegal na droga sa Dinalupihan, Bataan kamakaawa ng umaga.
Sa ulat mula kay PBGeneral Ponce Rogelio I. Peñones Jr., regional director ng Police Regional Office 3, ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng mga elemento ng Bataan Provincial Police Office Drug Enforcement Unit (PPDEU) kasama ang Dinalupihan Municipal Police Station (MPS) SDEU, Bataan Provincial Intelligence Unit (PIU), PDEA Bataan Office at ang PDEA Sea Interdiction Unit, Region 3.
Ang mga naaresto sa buy-bust operation ay sina alyas “Nai”, 43 taong gulang, at alyas “Abdul”, 32 taong gulang, kapwa residente ng Brgy. Mabini Proper, Dinalupihan, Bataan.
Nakumpiska mula sa dalawa ang limang nakatali na transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiya na pinaghihinalaang shabu na may bigat na humigit-kumulang 500 gramo, isang itim na Samsung keypad cellular phone, isang P1,000 marked money na nakapatong sa ibabaw ng boodle money, at isang black belt bag.
Ang mga naaresto at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Dinalupihan MPS para sa dokumentasyon at pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, artikulo II ng Republic Act No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com