DEAD ON THE SPOT ang 32-anyos na security guard matapos pagbabarilin ng isang ‘di kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo sa Quezon City nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ang biktima na si alyas Malang, 32, may-asawa, security guard, residente sa Examiner St., Brgy. West Triangle, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 5:25 ng hapon nitong Linggo, 2 Nobyembre, nang mangyari ang pamamaril sa harap ng Blade Auto Center na matatagpuan sa kanto ng Mindanao Ave., at Arty 2 St., sa Brgy. Talipapa, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Jordan A. Barbado, sakay ang biktima ng itim na Yamaha Aerox at habang binabaybay ang northbound ng Mindanao Ave., nang biglang nagmaniobra ang suspek na sakay din ng motorsiklo at agad itong pinagbabaril.
Nang matiyak na wala nang buhay ang biktima ay saka lamang tumakas ang suspek.
Dumating ang SOCO Team mula sa QCPD sa pangunguna ni P/CMS Federico Manzano at sa pagsusuri, maraming tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi katawan ang biktima.
Nasamsam sa crime scene ang mga basyo ng ‘di pa batid na bala ng baril at itim na Yamaha Aerox na pag-aari ng biktima.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaril at sinusuri na rin ang mga CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan ng salarin. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com