BUNGA nang patuloy na pagpapatupad ng Land Transportation Office (LTO) sa pinaigting na kampanyang laban sa mga hindi nagkakabit ng plaka at pagmamaneho nang walang lisensiya, isang Ferrari ang hinarang, hinuli, at inilagay sa impound sa SCTEX- Tarlac City nitong 2 Nobyembre 2025.
Sa ulat ng LTO, bagaman may kaukulang dokumento ang sasakyan, nilabag ng driver o ng may-ari ang hindi pagkakabit ng plaka sa harap ng sasakyan, na nararapat gawin sa ilalim ng Section 62, RA 4136, at pagmamaneho din nang walang balidong lisensiya na isang paglabag sa Section 22 ng parehong batas.
Ang paghuli ay naganap sa gitna ng pinaigting na pagbabantay sa mga pangunahing lansangan bilang bahagi ng Oplan Undas 2025 ng LTO sa pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.
Ayon kay Lacanilao, ang Oplan Undas 2025 ay isang operasyon na naglalayong tiyakin ang kaligtasan sa kalsada at pagsunod sa regulasyon at batas trapiko ng mga motorista.
“Napansin namin ang nakababahalang pagbiyahe sa kalsada ng ilang luxury cars nang walang wastong dokumentasyon at hayagang lumalabag sa mga patakaran sa trapiko. Nagdudulot ito nang malaking panganib sa kaligtasan ng publiko, at gumagawa kami ng mga tiyak na hakbang upang matugunan ito,” pahayag ni Assec. Lacanilao.
Ang operasyon ng LTO ay alinsunod sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at sa patnubay mula kay DOTr Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, na nagbibigay-diin sa kritikal na kahalagahan ng pagtataguyod ng mga batas trapiko para sa kaligtasan at seguridad ng lahat ng gumagamit ng kalsada. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com