MATAGUMPAY na nagsagawa ng anti-illegal drugs buybust operation ang mga tauhan ng Special Drugs Enforcement Unit (SDEU) at Balanga CPS, sa pakikipagtulungan ng PDEA Bataan, sa Brgy. Ibayo, lungsod ng Balanga.
Humantong ang operasyon sa pagkakaaresto sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga: isang 44-anyos residente sa Brgy. Malaya, Mariveles; at isang 46-anyos residente sa Brgy. Panilao, Pilar, pawang sa nabanggit na lalawigan.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang limang sachet ng pinainiwalaang shabu na may bigat na hindi kukulangin sa 160 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1,088,000, kasama ang iba pang drug paraphernalia.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Balanga CPS ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binigyang-diin ni Bataan PPO Provincial Director P/Col. Marites Salvadora na ang mga nasamsam na ilegal na droga ay may potensiyal na sumira sa buhay ng daan-daang tao o higit pa.
“Sa pamamagitan ng operasyong ito,” aniya, “ay nasamsam ang mga mapanganib na sangkap sa naarestong mga suspek na responsable sa ilegal na pamamahagi nito, sa gayon ay pinoprotektahan ang ating mga kabataan at ang ating mga komunidad.” (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com