
PINIGIL ng pinagsanib na operasyon ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang luxury sports car— 2020 Porsche 911 Carrera S, sa Sta. Rosa–Tagaytay Road, Barangay Santo Domingo, Sta. Rosa City, Laguna nitong Martes, 28 Oktubre 2025.
Sa ulat ni LTO Region 4A Director Elmer J. Decena kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang Porsche ay hinarang dahil sa walang nakakabit na plaka sa unahan.
Sa pagsusuri, ipinakita ng driver ang Official Receipt (OR) ng sasakyan bilang patunay ng transfer of ownership, ngunit nabigong maipakita ang Certificate of Registration (CR).
Dahil dito, inisyuhan ang driver ng Temporary Operator’s Permit (TOP) para sa paglabag sa Section 2.A (No Plate Attached) at Section 2.E (Operating a Motor Vehicle Without Carrying OR/CR) sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01. Kinompiska rin ang lisensiya ng may dala ng Porsche.
Sa isinagawa pang karagdagang beripikasyon sa Land Transportation Management System (LTMS), nakompirmang rehistrado ang sasakyan dahilan para baguhin ang unang paglabag sa Section 1.I (Failure to Carry OR/CR), habang nanatili ang paglabag sa Section 2.E.
Kaugnay nito, pinuri ni Asec. Lacanilao ang matagumpay na pagtutulungan ng LTO at HPG, at binigyang-diin ang kahalagahan ng mahigpit at patas na pagpapatupad ng batas sa kalsada.
“Pantay-pantay ang batas para sa lahat. Regardless of the type or value of the vehicle, lahat ng motorista ay kailangang sumunod sa mga kinakailangang registration at documentation.
“The law applies equally to everyone,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
Patuloy ang LTO CALABARZON sa pagpapatupad ng mga hakbang upang matiyak na lahat ng sasakyan sa rehiyon ay sumusunod sa mga umiiral na batas at regulasyon sa transportasyon. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com